Security audit ng Dito, hiniling ni Hontiveros

 

Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Risa Hontiveros sa nakaambang pagsisimula ng komersyal na operasyon ng Dito Telecommunity sa bansa ngayong Marso 8.

“Habang patuloy ang pambu-bully ng Tsina sa West Philippine Sea sa gitna ng pandemya, nag-roll out naman tayo ng red carpet para sa isang kompanyang direktang nagre-report sa gobyerno ng Tsina,” ani Hontiveros sa pahayag nitong Miyerkules.

“This is worrying,” dagdag ng senadora kasabay ng hiling sa National Security Council (NSC) na agad na magsagawa ng security audit sa third telco na kasosyo ang gubyerno ng China.

The “NSC should execute a security audit for Dito. It’s the least it can do,” pahayag ni Hontiveros.

Sinabi niya na mahalagang kumuha ang NSC ng isang independent security auditor na katulad sa kung paano isinagawa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang technical audit nito sa Dito.

Noong Lunes, Pebrero 22, ay inanunsiyo ng NTC na pumasa ang third telco player sa bansa sa unang technical audit nito.

“Kung nagkaroon ng technical audit, dapat may security audit din. Knowing that Dito is safe from China’s incursions is as vital as knowing Dito’s technical capabilities,” ani Hontiveros.

Iginiit niya na ang ChinaTel, na may 40 porseyentong pagmamay-ari sa Dito, ay 100 porsyento na pag-aari ng estado ng komunistang China.

Sa pagdinig ng Senado sa prangkisa ng Dito noong nakaraang Disyembre ay inamin ng NSC na wala itong cyberdefense doctrine laban sa cyberattacks.

Nauna na ring kinuwestiyon ni Hontiveros ang pagkakaloob ng prangkisa sa Dito gayong walang maaasahang cyberdefense ang bansa.

Tinukoy rin ng senadora ang China-based hacking group na may code name na “Naikon”, na nag-eespiya umano sa mga gobyerno sa Asia Pacific, kabilang ang Pilipinas.

“Nakababahala na wala palang konkretong istratehiya ang NSC sa usapin ng cybersecurity. China can easily take advantage of this. Sinasakop na nila ang ating karagatan ng harap-harapan. Nothing is stopping it from doing the same to our data,” sabi pa ng senadora.

“Not unless China finally respects and honors that our territories in the WPS are ours and ours alone, every other business negotiation it has in our country will remain suspicious. Panindigan natin ang laban na ito. Kung hindi, ang Pilipino lang ang talo,” dagdag ni Hontiveros.

 

Read more...