Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3:45 p.m. Rain or Shine vs Air21
6:00 p.m. San Mig Coffee vs Petron Blaze
Team Standings: Petron Blaze (3-1); *Barako Bull (2-1); Global Port (2-1); Rain or Shine (2-2); Meralco (2-2); *Barangay Ginebra (1-1); Alaska Milk (1-1); Talk ‘N Text (1-2); San Mig Coffee (1-2); Air21 (1-3)
* – playing as of presstime
ITATAYA ng Petron Blaze ang three-game winning streak nito kontra San Mig Coffee sa 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-6 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3:45 ng hapon, magtutuos naman ang defending champion Rain or Shine at Air21 na kapwa naghahangad na mapatid ang kani-kanilang losing streak.
Matapos na matalo sa Meralco sa simula ng kanilang kampanaya, ang Boosters, na ngayon ay hawak ni head coach Gelacio Abanilla III, ay nagposte ng tatlong sunud-sunod na tagumpay kontra Rain or Shine (99-84), Barangay Ginebra San Miguel (101-95) at Air21 (112-86).
Sa kabilang dako, nakabangon naman ang San Mig Coffee buhat sa back-to-back na kabiguan ng tambakan ng Mixers ang Talk ‘N Text, 118-99, sa kanilang huling laro.
Ang Boosters ay pinamumunuan ni Elijah Millsap na sinasabing pinakamahusay sa sampung imports ng torneo. Makakatapat niya ang balik-PBA na si Marcus Blakely na naghahangad na ihatid ang Mixers sa kampeonato matapos sumegunda sa Rain or Shine noong nakaraang season.
Laban sa Express, maganda ang naging opensa ng Petron at lahat ng manlalarong ginamit ni Abanilla ay umiskor na dalawang puntos o higit pa.
Nagkaroon naman ng breakout game ang two-time Most Valuable Player James Yap na umiskor ng 22 puntos laban sa Tropang Texters. Makakatuwang ni Yap sina Marc Pingris, Joe Devance, Peter June Simon, Mark Barroca at bagong recruit na si Allein Maliksi.
Ito ang magiging unang pagkakataon na makakatapat ni Olsen Racela ang dati niyang koponan. Si Racela ay isa na sa mga assistant coach es ni Tim Cone sa San Mig Coffee matapos na palitan siya ni Abanilla.
Ang Rain or Shine ay may 2-2 record at galing sa back-to-back na kabiguan buhat sa Petron at Alaska Milk (94-79). Hindi pa rin pumuputok para sa Elasto Painters ang mga Gilas Pilipinas members na sina Gabe Norwood at Jeff Chan.
Sa duwelo ng imports at magpapatalbugan sina Arizona Reid ng Rain or Shine at Zach Graham ng Air21. Si Graham ay tinutulungan nina Nino Canaleta, Mike Cortez, Mark Isip at Carlo Sharma.
Ang Express ay may iisang panalo sa apat na laro at ito ay kontra San Mig Coffee, 93-82, noong Agosto 17. Samantala, pinatumba ng Meralco Bolts ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 92-86, sa kanilang PBA game kahapon sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Pinamunuan ni Mario West ang Bolts sa itinalang 47 puntos, walong rebounds at limang assists.