“TOTODO ko na ‘to! Kailangan mabangung-mabango ako!” Yan ang dialogue ni KC Concepcion nang magkaroon ng chance na makilala nang face to face ang South Korean actor na si Jang Dong Gun.
Sa mga hindi pa nakakakilala kay Dong Gun, ilan sa mga Korean series na pinagbidahan niya ay ang “Arthdal Chronicles” (2019), “Suits” (2018), “A Gentleman’s Dignity” (2012), at “All About Eve” (2000).
Nakagawa na rin siya ng maraming pelikula kabilang na ang “Rampant” (2018), “My Way” (2011), “Taegukgi: The Brotherhood of War” (2004), at “Friend” (2001).
Kuwento ni KC sa halip na mapansin at makausap nang personal, dinedma lang siya ng K-Drama actor nang dahil sa pabangong in-spray niya mula ulo hanggang paa.
Ibinahagi ng singer-actress ang nakakalokang experience na ito sa kanyang vlog sa YouTube (part 2 ng kanyang perfume collection video) kung saan nga nakaharap niya si Jang Dong Gun, 10 years ago.
Sa nasabing vlog, nagbigay ng mga tips si KC kung paano pipili at bibili ng pabangong babagay sa personality ng isang tao. At dito nga niya naalala ang paggamit niya ng isang perfume at ang pagsasabay nila ni Dong Gun sa elevator.
Nangyari ang eksena noong December, 2008 nang um-attend ang dalaga sa Clinton Global Initiative Asian General Meeting na pinangunahan ni dating United States President Bill Clinton na ginanap sa Hong Kong.
Sa closing ceremony ng event parehong invited sina KC at Dong Gun na sikat na sikat sa Korea noong mga panahong yun at kikilalanin nga bilang bagong goodwill ambassador ng United Nations-World Food Programme (UN-WFP) sa Korea.
Si KC naman ang goodwill ambassador ng UN-WFP sa Pilipinas mula taong 2007 at hanggang ngayon.
Pagbabahagi ni KC sa ginawa niyang paghahanda sa event at sa inaasahang pagkikita nila ng Korean actor, “May bago akong perfume na trinay, tapos tuwang-tuwa pa ako na ang bango niya.
“Pero sabi ko, hindi ko ito madadala, kasi ang laki ng bottle, e, ang liit lang ng purse na dala ko,” chika ng anak ni Megastar Sharon Cuneta.
Alam ni KC na number one artist nu’ng time na yun sa South Korea si Dong Gun kaya naman gusto niyang magmarka sa aktor ang kanilang pagkikita sa pamamagitan ng gamiy niyang pabango.
“Sabi ko, ‘totodo ko na ‘to.’ Kasi mahaba pa yung gabi ko. Totodo ko na ‘to! Kailangan mabangung-mabango ako.
“Kailangan maalala niya talaga ako. They say kasi you have to have your own scent na pag naamoy ng tao yun, they will only remember you.
“Kahit wala ka sa room na yun, maamoy lang nila yung perfume na yun, they will remember you,” lahad pa ng aktres.
Talagang iminuwestra pa ni KC kung paano niya in-spray nang bonggang-bongga ang pabango sa buo niyang katawan, “Perfume ako, lahat, lahat. Hindi ko sinunod yung mga rules (pag-spray sa tenga at sa pulso).”
“Hanggang paa, hanggang…lahat. As in, kung saan may balat, nag-spray talaga ako. Pati yung purse ko, inisprayan ko. Sabi ko, ‘kailangan mag-last ito,” natatawa pang chika ni KC.
Heto na, nang lumabas na siya sa kanyang hotel room para pumunta sa venue ng event, shocked sa KC dahil nang bumukas na ang elevator naroon na raw sina Clinton at Dong Gun.
“Pag press ko ng elevator, sila yung laman. Alam niyo ba, hiyang-hiya talaga ako. Sabi ko, ‘shet, ang bango ko!’ Talagang kunwari walang nangyari, guys,” super laugh pa ring kuwento ng dalaga.
Binati raw niya ng “good evening” ang mga ito nang halos pabulong lang dahil sa sobrang hiya. Pagkasara raw ng elevator, biglang napaubo si Dong Gun.
“Alam niyo, hindi ko na lang siya tiningnan. Alam kong ako yung sanhi ng pagkaubo niya sa elevator. So, naubo na nga siya and then hindi niya ako pinansin.
“Talagang isinumpa ko na yung perfume na yun. Yung perfume na akala ko nakakaganda, tinapon ko na, kasi hiyang-hiya talaga ako,” ang pag-alala pa ni KC sa kahihiyang nangyari sa kanya.
Samantala, nabigyan pa rin naman siya ng pagkakataon na makasama sa stage si Dong Gun during the event, patunay diyan ang litrato nila ng Korean actor kasama si Clinton.