Julia Montes ikinumpara ni Dimples kay Angel: Siya yung pinakahindi pabebe sa lahat, cowboy din

IKINUMPARA ni Dimples Romana ang Kapamilya actress na si Julia Montes sa kanyang BFF na si Angel Locsin.

Nagkachikahan ang dalawa sa latest vlog ni Dimples habang kumakain sila ng street food na super favorite raw ng rumored partner ni Coco Martin.

Kuwento ni Dimples, “Ang mga kaibigan ko, lalung-lalo na ‘yung mga malalapit saken, sanay na sanay silang pumupunta sa bahay ko at naglululuto, kumakain.

“‘Yan ang mga gawain nila. At siyempre si Juls, sasabihin ko, dati, ‘pag pumupunta sila sa bahay, ang hilig niyang kainin, ang comfort food niya, street food,” simulang chika ni Dimples.

Ipinagdiinan ng aktres na sa kabila ng tagumpay na naabot ni Julia sa mundo ng showbiz ay nananatili pa rin itong mapagkumbaba at totoong-totoong tao pa rin.

“I could attest to that, na si Juls ang pinakahindi pabebe sa lahat. Kasi nga, parang siya ‘yung if I’m not mistaken, next to Gel (Angel Locsin), cowboy na hindi ako mag-aalala kung kunwari wala kaming pormal na pag-stay-an or upuan o sasalampak ka agad whether sa grass pa ‘yun or sa kalye.

“Ikaw talaga ang naaalala ko kasi sobrang grounded mo as a person. Parang even when you were already doing so well,” lahad pa ni Dimples.

Ayon naman kay Julia, dahil bata pa lang ay nagtatrabaho na siya at bilang breadwinner ng pamilya, hindi siya masyadong nakaranas ng bonggang kabataan.

“Siguro ever since seryoso talaga ako. Recently nga lang ako naging fun. Kasi nga siguro natuto na ako na i-enjoy ang life. Pero before, open kasi talaga si Lola.

“Open talaga siya sa akin before na sinasabi niya na ‘Huy, ‘pag di mo ‘to ginawa, ‘wala tayong pang-ano. Pambayad natin ‘to sa ano so kailangan gawin mo ‘to,” lahad ni Julia.

Dagdag pa niya tungkol sa isyu ng pera, “Alam ko lagi na itong sinasabi kapag nagtatrabaho na ang isang tao or minsan kapag bata ka maririnig mo ‘naku kapag lumaki ka na kapag nagtrabaho ka na maiintindihan mo kami.’

“Pero totoo siya. Minsan kahit alam mo na ‘yon, nakakalimutan mo ang worth ng money kasi nae-excite ka. Pero ang totoong meaning ng money especially now na nagka-pandemic, lalo mong pinahalagahan ‘yung every centavo na ini-earn mo.

“May importansiya siya at hindi lahat ng tao ay blessed na nabibigyan ng opportunity or job lalo ngyong pandemic,” paliwanag pa ng aktres

“So alam ko na every time na may kikitain kami, may paglalaanan na. Nakalakihan ko rin siya na every time na may papasok na pera (alam na) saan siya nakalaan. Hindi siya basta-basta may gusto akong bibilhin ay bibilhin ko because sumuweldo naman ako,” chika ni Julia.

Naibahagi rin niya ang kanyang pagkaadik sa perfume, “Pabango. ‘Di ba hindi halata sa akin? Pero parang wala akong collection ng ganu’n kung iispin mo.

“Pero ‘yun ‘yung una kong naging luho sa sarili ko. Kasi naalala ko, grade school ako, may tindahan sa tapat ng tindahan sa tapat namin sa Pandacan. Tinatawid ko ‘yun,” pagbabahagi pa ng aktres.

Aniya pa, “Tapos may binebenta sila. Young’s ‘yung tawag. Alam ko lumang brand na ‘to. ‘Yung Lola natin alam yata ‘to. Young’s na pabango.

“Tapos amoy baby powder siya. ‘Yun ‘yung pabango ko. Tapos tinitipid ko ‘yung maliit na ‘yun. 20 pesos. Tapos may mga color. Yellow color ‘yung binibili ko,” dagdag pa ni Julia.

“Parang feeling ko kasi ‘yun lang ang pinakakaya kong bilhin nu’n. Tapos usong-uso na nu’n ‘yung specific brand na binibili sa mall. Ako hindi ako makabili so titipirin ko ‘yun.

“So nu’ng nagkasweldo na ako, bibili ako ng pabango. So nu’ng nasa mall na kami ni Kathryn (Bernardo). Tour ‘yun.

“I think para siyang department store na mura. Ros yata. ‘Yun ang pinakauna kong hinoard. Isa o tatlong pabango. Tapos iba na ‘yung sa mga nanay ko, sa Lola ko,” kuwento pa niya.

Samantala, tungkol naman sa mga natutunan niya ngayong pandemya, “Hindi kasi minsan maiiwasan na nalulungkot tayo, nadadala tayo ng negative na nangyayari. Pero one blessing for me na nangyari dahil sa pandemic ay nakita ko ang simpleng bagay na madalas nakakalimutan nating mga tao.

“‘Yun ‘yung gigising ka sa umaga na wala kang sakit. Gigising ka sa umaga na ‘yung pamilya mo ay kasama mo. ‘Yun ang pinaghawakan ko na bakit ko titingnan ‘yong magiging cause ng anxiety ko, ng lungkot ko, kung mayroon naman akong kakapitan which is ‘yong family ko.

“At the end of the day, doon mo mare-realize na ‘yong love mo with your family, your loved ones, ‘yon ang magiging strength mo para malagpasan ang problems, kahit anong problems ‘yan. Sila ang magiging anchor mo,” chika pa ni Julia Montes.

Read more...