“KAPAG wala ako du’n, walang bumibili, e!” Yan ang isa sa rason na ibinigay ng stand-up comedian na si Ate Gay kung bakit isinara na niya ang pag-aaring siomai business.
Ayon sa komedyante, nagdesisyon siyang itigil na muna ang operasyon ng itinayo niyang negosyo, ang Ate Gay’s Siomai Himala, na sinimulan niya noong July, 2020.
Nakachikahan namin si Ate Gay sa nakaraang face-to-face presscon ng bago niyang pelikulang “Ayuda Babes” at dito nga niya naikuwento ang pagsasara ng kanyang business, “Wala na yun, nu’ng ECQ (enhanced community quarantine) lang yun, e.
“ECQ, wala akong magawa, e, sarado yung mga ano, comedy bars, e, hangga’t wala kang mga ginagawa, e, di nagtayo ka ng Siomai Himala. Ngayon nung medyo okay-okay na ang trabaho, isinara ko na,” pahayag ng komedyante.
Aniya, wala na raw kasing magbabantay dito dahil balik na uli siya sa pagiging comedian at nagsimula na rin ang pagdating ng mga offer sa kanya, tulad na lang ng pandemic movie na “Ayuda Babes”.
Dagdag pa niyang paliwanag, “E, kasi walang nagbabantay. Pag wala ako dun, walang bumibili, e. Kasi yung mga bumibili du’n, nagpapa-picture kasi nga ang ganda ng appearance ko sa 24 Oras at iba pang shows ng GMA.”
Sey pa ni Ate Gay, naniniwala siya na muling makakabangon ang movie industry matapos maapektuhan ng health crisis sa bansa.
Pero aniya mukhang hindi rin basta-basta makaka-recover agad ang industriya, “Parang magsisimula uli, kumbaga matatagalan yun bago mag-ano (maka-recover).”
Samantala, itinuturing naman ni Ate Gay na isang malaking blessing ang pelikula nilang “Ayuda Babes” lalo na para sa kanilang mga stand-up comedian na matagal ding natengga sa pagtatrabaho.
Makakasama niya sa movie ang mga kapwa komedyanteng sina Petite Brockovich, Brenda Mage, Negi, Juliana Parizcova Segovia, Iyah Mina at Joey Paras. Ka-join din dito sina Gardo Versoza, Zeus Collins.
Introducing naman sa pelikula sina “Bidaman” finalist Dan Delgado, ang tinderang masungit sa YouTube na si Bernie Batin at si Bubble Gum Pop Princess Christi Fider. May special participation din dito sina Marlo Mortel at Marc Logan.
Kuwento ni Ate Gay tungkol sa naging experience niya sa paggawa ng “Ayuda Babes”, “Okay naman, masaya! Sabi ko nga dapat pala ganito yung mga pelikula para hindi ka nahihirapang magpatawa.
“Kasi bukod sa nakakatawa yung mga kasama ko, e, talagang lalaban ako sa pakikipagtawanan,” sey pa ng impersonator ni Superstar Nora Aunor.
Ang “Ayuda Babes” ay sa direksiyon ni Joven Tan, mula sa Saranggola Media Productions. Mapapanood na ito simula sa March 5, via streaming sa iWantTFC at KTX.ph.