PINALAGAN ng asawa ni Michael V pati na ng GMA Network ang kumalat na namang fake news na namatay na raw ang Kapuso TV host-comedian na si Michael V.
Ito na ang ikalawang beses na napabalitang patay na raw ang “Bubble Gang” star na ipinakalat nga ng mga taong walang magawa sa buhay kundi ang magpakalat ng mga pekeng balita.
“BREAKING NEWS: Batikang aktor na si Michael V BITOY Pumanaw sa edad 51 matapos hindi kayanin ang sakit sa atay,” ang nakasaad sa pekeng balita kung saan ginamit pa ang logo ng GMA 7 kaya aakalain talaga ng makamabasa na lehitimo ang balita.
Nang makarating ito sa asawa ni Bitoy na si Carol Bunagan, talagang hindi niya ito pinalampas at kinondena ang mga taong nasa likod ng nakaaalarmang fake news.
Pahayag ni Carol sa pamamagitan ng kanyang social media, “Ano kaya napapala ng mga gumagawa ng ganitong fake news? Kaawaan sana kayo ng Diyos.”
Samantala, nag-issue agad ng official statement ang GMA hinggil dito. Kinondena rin nila ang ilegal na paggamit ng logo ng network lalo na ang paglalabas ng pekeng balitang patay na ang award-winning comedian at content creator na si Bitoy.
Narito ang kabuuang statement ng Kapuso Network na ipinost sa kanilang Twitter page, “GMA News wishes to clarify that it did not produce a post saying that Michael V. has died.
“Links of the post, which may be spreading on social media and messaging apps, make unauthorized use of the logo of GMA News.
“We also ask people to refrain from sharing the post, which we have reported to social media platforms. We urge people to follow our official account @GMANews on social media channels for the latest news and updates.”
Kung matatandaan, unang nabiktima ng death hoax si Michael V noong July, 2020 matapos niyang ibalita na tinamaan din siya ng COVID-19 pandemic.
Ipinost ni Bitoy sa Instagram ang screenshot ng fake news na may titulong, “BREAKING NEWS: Aktor na si Michael V o BITOY ay Pumanaw na Kanina lamang.”
Ang caption dito ng komedyante, “Muntik ako mahulog sa kama! Ingat po tayo sa mga ganito.
“Gusto ko lang imulat ang mga tao sa dangers ng Covid pero ibang danger po ang ipi-prisinta n’yo sa pagkakalat ng mga ganito. Netizens, kayo na po bahala,” aniya pa.