Miguel kinakarir ang gun training para sa Voltes V; Gabby, Neil Ryan gaganap bilang Commander Robinson at Dr. Hook

NAGSIMULA nang sumailalim sa matinding training si Miguel Tanfelix bilang paghahanda sa inaabangang live adaptation ng Japanese anime series na “Voltes V: Legacy.”

Gaganap ang Kapuso young actor bilang si Steve Armstrong, ang tumatayong pinaka-leader ng Voltes V team.

Kinakarir ngayon ng binata ang pagsasanay sa tamang paghawak at paggamit ng iba’t ibang uri ng baril, base na rin sa mga litratong ibinahagi niya sa social media.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Miguel ang ilan niyang litrato na may hawak na baril habang nagte-training sa isang shooting range.

“Eyes on the prize, baby. #training,” ang maikling caption na inilagay niya sa kanyang IG post ilang araw makalipas ngang ibandera ng GMA na siya ang napiling gumanap bilang Steve, habang si Ysabel Ortega naman ang maswerteng nakuha to play Jamie Robinson, ang nag-iisang babae sa Voltes V team.

Samantala, kagabi in-announce na rin sa “24 Oras” ang dalawa pang Kapuso actor na makakasama sa “Voltes V: Legacy”.

Si Gabby Eigenmann ang gaganap bilang si Commander Robinson, ang ama ni Jamie Robinson at ang co-designer ng Voltes V. Siya rin ang leader ng Earth Defense Force.

“Pinapanood ko talaga ‘yan nu’ng bata ako, I used to collect cards, ‘yung mga playing cards, bumibili talaga ako sa tindahan niyan para lang ma-collect pati ‘yung mga stickers,” sey ni Gabby.

Ang character actor namang si Neil Ryan Sese ang gaganap sa karakter ni Dr. Hook, isa sa mga scientist na involved sa Earth Defense Force. Siya ang nasa likod ng “Spin Fly Technique” ni Voltes V.

Isa ring solid fan si Ryan ng nasabing anime, “Nalaman-laman ko pa na nu’ng unang ginawa ‘to, ‘yung cartoons dito sa Pilipinas nu’ng 1978, si Mr. Joonee Gamboa pala ‘yung nag-voice over doon sa Dr. Hook so, siyempre, isa pa sa iniidolo ko ‘yon so dagdag pressure pa.”

Sina Gabby at Neil ang magiging kakampi ng Voltes V team na binubuo nga nina Miguel (Steve Armstrong), Ysabel (Jamie Robinson), Radson Flores (Mark Gordon), Matt Lozano (Big Bert) at  Raphael Landicho (Little Jon) sa paglaban sa iba’t ibang pwersa ng kadiliman.

Nandiyan siyempre ang mga mortal na kalaban ni Voltes V na sina Prince Zardoz at Princess Zandra (Martin del Rosario at Liezel Lopez). At sina Epy Quizon at Carlo Gonzalez bilang sina Zuhl at Draco.

Sa direksyon ni Mark Reyes, makikipagbakbakan na ang “Voltes V: Legacy” very soon sa GMA 7.

Read more...