Pagiging pro-China ng Pangulo nakakatulong nga ba sa bansa?

Xi Jinping Rodrigo Duterte

Si Pangulong Rodrigo Duterte (kaliwa) kasama si Chinese President Xi Jinping sa larawang ito sa Great Hall of People sa Beijing noong 2019. (AFP)

Sinabi ni Senator Panfilo Lacson sa kanyang twitter account na hindi lahat ng Filipino ay “extortionists,” matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat munang magbayad ang US bago magtuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Hindi ito ang una kung saan nagsalita at kumontra si Senator Lacson sa Pangulo sa usapin o isyung foreign policy. Matatandaan na noong December 2020, nagsalita rin ang senador sa pamamagitan ng kanyang Twitter account, matapos sabihin ng Pangulo na dapat magbigay muna ng Covid-19 vaccines ang US kung gusto nitong magtuloy pa ang VFA. Isa rin siya sa mga ilan senador na dumulog sa Supreme Court noong March 2020 tungkol sa pagpapawalang-bisa ni Pangulong Duterte ng VFA.

Ang Pangulo ay sinasabing chief architect ng ating foreign policy (patakarang panlabas). Binigyan siya ng ating constitution ng iba’t ibang kapangyarihan ukol at kaugnay sa foreign relations o foreign affairs (ugnayang panlabas) ng ating bansa. Ang kapangyarihang ito ay mas kakilala sa tawag na “foreign affairs powers.” Ilan sa mga foreign affairs powers ng Pangulo ay kung papaano haharapin at ano ang magiging relasyon natin, bilang isang bansa, sa mga banyagang estado o pamahalaan, at magkaroon at panatilihin ang ating diplomatic relations sa mga ibang bansa.

Kasama rin dito sa foreign affairs powers ng Pangulo ay ang makipag- negotiate sa mga ibang bansa at pamahalaan at pumasok sa mga kasunduan, gaya ng trade agreements,defense agreements, executive agreements, treaties at international agreements.

Ayaw man natin dahil sa tabas o estilo ng kanyang pananalita at pagpapahayag na masasabing “very undiplomatic”, ang Pangulo ay ang mouthpiece o tagapagsalita ng bansa tungkol sa ating international affairs. Ito rin ay parte ng kanyang foreign affairs powers.

Walang duda na kung titignan at susuriin ang foreign policy ng Pangulo, ito ay masasabing kumikiling sa bansang China. Pro-China mula ng naupo sa kapangyarihan at hanggang ngayon, at mukang mananatili ito hanggang sa katapusan ng kanyang kapangyarihan.

Sinasabi ng iba na nakatulong ang pagiging pro-China ng Pangulo sa ating ekonomiya dahil sa mga naglalakihang investment na ipinasok at ipapasok pa ng China sa ating bansa. Pero sapat nga ba talaga ang mga investment na ginawa ng China sa ating bansa gaya ng Singapore, US at Japan? Pera nga ba talaga ng China ang sumusuporta sa programang Build, Build, Build? Lumaki ba ang ibinigay o donation sa atin ng China kumpara sa US at Japan?

Sana masagot ito ng malinaw ng Malacanang para malaman ng ating kababayan kung ang foreign policy ng Pangulo na pro-China ay talagang nakatulong sa ating bansa, lalo na sa ating ekonomiya. Kung hindi ito maipapaliwag mabuti, iisipin ng ating kababayan na ang mga pangakong malalaking direct investment ng China sa ating bansa ay isang pangako lamang at hindi naging katotohanan.

Sana masabi rin ng Malacanang na natulungan tayo ng China sa pagkuha at pagbili ng Covid-19 vaccines, lalo na yung gawa sa kanila gaya ng Sinovac at Sinopharm dahil sa pro-China policy ng Pangulo.

Tila mahirap mangyari ito dahil muka naman hindi tayo natulungan ng China sa pagkuha at pagbili ng vacccines. Mabuti pa ang Indonesia, nakakuha agad ng vaccines na gawa sa China at nagsimula na itong gamitin noon pang isang buwan.

Nakakalungkot na ang ganitong lantarang pro-China policy ng Pangulo ay hindi naman maaaring pakialaman ng Kongreso o idulog sa korte maski maipakita na wala naman itong naitulong sa bansa.

Kung sinong bansa ang tatangkilikin, tatanggapin, kakampihan, susuyuin, papakinggan, pagbibigyan, susundin, kasama na ang pagsasaisang-tabi ng decision ng arbitral tribunal tungkol sa West Philippine Sea at pag-amin na wala tayong magagawa o laban sa China ay tanging nasa karapatan at discretion lamang ng Pangulo. Ito ay isang political question. Sa madaling salita, kapag tungkol sa foreign policy at sa foreign affairs, siya lang ang may karapatan at wala tayong magagawa dito.

Hindi naman ibig sabihin nito na wala tayong karapatan magsalita, mag-ingay, kumontra at sabihin ang mga kamalian ng Pangulo tungkol sa kanyang pinaiiral na foreign policy. Karapatan natin lahat na punahin ang Pangulo at sabihin na ang kanyang pinaiiral na pro- China policy ay hindi nakakatulong sa ating bansa. Na ang kanyang pro-China policy ay kontra sa interest ng bansa at sovereignty ng Pilipinas. Walang makakapigil na gawin natin ito.

Hindi naman totoo ito kung ang pag-uusapan ay ang treaties o international agreements na pinasok o papasukin ng Pangulo sa banyagang bansa o pamahalaan. Tama si Senator Lacson, may karapatang siyang magsalita o kumontra, bilang mamamayan at isang senador, sa pahayag ng Pangulong Duterte tungkol sa VFA.

Ayon sa constitution, ang Senado ay may “concurrence powers” sa mga international agreement at treaty na pinasok ng Pangulo. Kailangan ng pagsang-ayon (concurrence) ng Senado sa anumang treaty o international agreement na pinasok ng Pangulo upang ito ay maging epektibo. Kung walang concurrence ang Senado, walang epektibong treaty o international agreement.

Nakabinbin pa sa Supreme Court ang isyu, kung pwedeng bawiin ng Pangulo ang isang existing treaty o international agreement na walang pahintulot o pagsang-ayon ng Senado.

Read more...