Hindi nagustuhan ng Kapuso TV scriptwriter ang pangmamaliit umano nito sa mga soap opera sa Pilipinas at ang pang-iinsulto sa kakayahan ng mga taong nasa likod ng mga teleserye.
Sinagot ni Suzette (na siya ring creative head ng Voltes V: Legacy) ang comic strip ni Pol Medina sa kanyang Facebook page na inilabas noon pang Jan. 19 kung saan bumida nga ang mga pamosong karakter sa “Pugad Baboy”.
“Baka naman imbes na lazer sword e magsampalan at magsabunutan na lang sila,” ang nasabi ng isa sa mga karakter sa comic strip.
Ni-repost ito ng GMA writer at saka sinagot ang batikang cartoonist, “Ayos sa sampalan at sabunutan, dude ah (although may episode sa anime na nanapak talaga si VV haha) pero wala pa nga o, huwag muna judge nga.
“Sobrang baba naman yata ng tingin ni Pol sa soap opera at sa drama writer para ireduced ito sa ‘sampalan at sabunutan.’ Offensive ito. Katumbas ito ng baduy at bakya noong 80’s hanggang early 2000’s. Kung saan ibinabagsak at minamata lang ang soap opera at mga manunulat nito,” pahayag ni Suzette.
Dagdag pa niyang depensa, “Pero tignan mo, hanggang ngayon buhay ang soap habang sisinghap singhap na ang cartoons ni Pol (joke! Alangan namang ikaw lang pwedeng mag joke hehe).
“Kailan din kaya huling nanood ng soap itong Mamang ito at nasa sampalan at sabunutan mode pa rin? Hello! May tadyakan na rin kami ngayon! Hehe. Sayang. Wala pa yata (yata ha) ako sa showbiz, sinusubaybayan ko na ang Pugad Babs e. Mukhang misogynist din naman,” matapang pa niyang pagpuna sa sikat na kartunista.
Aniya pa, “25 yrs na yata akong writer ng soap: hanggang ngayon hirap pa rin akong intindihin ito at kung bakit ito pinapanood ng masa pero sulat lang nang sulat. Subok nang subok kung ano ang tatangkilikin ng masa.
“Sa tagal ko nang nagsusulat ng soap, estudyante pa rin ang pakiwari ko sa sarili ko. Pano pa ang walang experience? At walang alam sa soap? Ang VV ay iaadapt sa soap opera. Sino ang magsusulat? Isang cartoonista na walang alam sa soap? O writer ng tula?
“PS: ang Voltes V ay isinulat rin sa wikang Pilipino. Mga pango tayong lahat at pinoy, kaya hindi namin ito isinulat sa wikang ingles. Naman o,” diin pa ng Kapuso writer.
Sa isang tweet ni Suzette last month sinabi pa nitong, “FYI, Ang lahat po ng scripts, karakter na dinagdag, mundo at kulturang pinalawig kasamaang Boazanian language ay inaprubahan po ng Japan. Okey?”