Malinaw na plataporma sa mga kakandidato sa eleksyon 2022, hiling ng isang grupo

Sinabi ng Philippine Patriotic Movement na mahalagang may malinaw na programa ang mga nagnanais kumandidato sa problema ng bansa sa Covid-19, bagsak na ekonomiya, malaking bilang ng mga walang trabaho, mataas na bilihin, isyu ng West Philippine Sea, at maraming iba pa.

Ayon sa grupo, na binubuo ng FPJPM, FEJODAP, Peoples Movement Against Poverty, National Labor Union, Philippine Organization of Free Labor Union, magsasagawa sila ng konsultasyon a iba’t ibang lugar sa bansa upang kunin ang pulso ng bayan kung sino sa mga kakandidato ang dapat nilang suportahan.

Sa 2022 Philippine general election ay ihahalal ang bagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa, ganundin ang mga miyembro ng Kongreso at mga panlalawigan at pambayang opisyal.

Nilinaw naman ni Cynthia Villarin ng PMAP, wala pa silang ineendorso sa kasalukuyan subalit posible nila itong gawin sakaling makita na nila ang hinahanap na kwalipikadong kandidato.

Para naman kay David Diwa ng National Labor Union, kakausapin nila ang mga kakandidato para pakinggan ang mga ilalatag na solusyon sa mabibigat na suliranin ng bansa.

Samantala, sa kabila ng mga problemang kanilang inilatag, nagawa pa rin nilang bigyan ng 8 out of 10 na score si Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng limang taon niyang pamumuno sa bansa.

Ayon kay Mr. Butch Cadsawan, Lead Convenor ng PPM, hindi nila papayagan na hindi matapos ni  Duterte ang kanyang termino at handa silang pigilan ang anumang pwersa na magtatangkang pabagsakin ang gobyerno.

Read more...