Hugot ng tatay ni Barbie Forteza kay Andre Paras: Sinayang niya, e!

NALAGAY sa instant hot seat ang Kapuso TV host-actor na si Andre Paras sa pilot episode ng “Game of the Gens” (GOTG) na napanood sa GMA News TV nitong nagdaang weekend.

Inulan ng tukso ang binata nang mapag-usapan ang dating loveteam nila ni Barbie Forteza na isa sa mga celebrity contestant sa bagong show ng GMA News TV kasama ang kanyang tatay na si Antonio Forteza.

Ilang beses na ring nagkasama ang dalawa sa mga project noon ng Kapuso Network kabilang ang afternoon series na “The Half Sisters”.

Sa isang bahagi ng programa, natanong ang host ng “GOTG” ng Gen Dolls member na si Mariko kung bakit hindi niya pinormahan ang dating ka-loveteam.

Bago pa sumagot si Andre, napahugot agad si Barbie at nag-dialogue ng, “May feeling kasi ako na parang hindi ako enough.”

Halata namang inatake ng nerbiyos ang binata, “Guys wait, no, no, hindi ganu’n ‘yun. Hindi ganu’n ‘yun, magpapaliwanag ako.”

Hirit ni Barbie sa kanya, “Na parang hindi ako cool, e, so ano?”

Kasunod nito, nabanggit ni Andre na super thankful siya na makatrabaho ang Kapuso drama princess at mabigyan ng chance na maging magkaibigan sila.

“Ang gusto ko lang sabihin kay Barbie na I’m very thankful kasi magkasama kami, okay.

“I’m very thankful, I’ve learned a lot, first show kasama ko si Barbie at the same time for all the viewers watching, sana matuto kayo sa akin. Don’t make the same mistake,” sabi pa ni Andre.

Tinanong naman ng Gen Dolls ang tatay ni Barbie kung ano kanyang sa sinabi ni Andre. Ang diretsong sagot ni Mr. Forteza, “Sinayang niya, e.”

Naghiyawan at nagpalakpakan naman ang mga nasa studio sa naging hugot ng ama ni Barbie.

Read more...