BUKOD sa pagiging nurse sa Amerika, nais din ng dating “TGIS” star na si Kim delos Santos ang maging psychiatric mental health nurse.
Kasalukuyang nag-aaral ngayon ang hindi na aktibong aktres at former Kapuso youngstar para tuparin ang isa pa niyang pangarap at matulungan ang mga nakararanas ng depresyon.
Nagkuwento si Kim sa online talk show na “Just In” tungkol sa naging buhay niya sa Amerika lalo na noong nagsisimula pa lang siyang magtrabaho roon matapos ngang iwan ang showbiz career niya rito sa Pilipinas.
“At first medyo mahirap siya as in, kasi hindi naman ako nakapagtapos sa Pilipinas eh, so I have to start from the bottom-up.
“Tapos hanggang ngayon nag-aaral na naman ako ulit, I’m back in school again as psychiatric mental health nurse practitioner,” chika ni Kim na isa nang dialysis nurse ngayon sa US.
“It’s something interesting, para naman na kakaiba siya. Saka gusto ko ang psych eh, I like it,” dugtong ng aktres.
Kuwento pa ng dating Kapuso star, tumatalakay sa issue ng anxiety at depresyon ang pinag-aaralan niya ngayon. Aniya, pati raw ang mga bata ngayon at nakararanas din ng stress o depresyon dulot ng quarantine.
“Ang hindi napapansin ng mga tao, malaking epekto sa mga bata rin, because they are not going to school right now and they’re home and they are isolated.
“Kung may siblings sila siyempre okay lang. Kung wala silang siblings it’s not really good for them, so medyo naninibago sila,” lahad ni Kim.
Sa isang panayam noon, inamin din ng aktres na hindi naging madali ang pagiging nurse niya sa US lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Nakaranas din daw siya ng diskriminasyon at mag-alaga ng mga pasyenteng iniiwasan dahil inakalang may COVID-19. Ngunit kailangan daw niyang magpakatatag para sa kanyang pamilya at sa mga taong nangangailangan ng kanyang serbisyo.