Kaluluwa ni Christine Dacera nakausap ng psychic; tinraydor daw ng kaibigan

KUMONSULTA na sa isang “psychic” ang pamilya ng flight attendant na si Christine Dacera para matukoy kung ano ba talaga ang dahilan ng kontrobersyal na pagkamatay ng dalaga.

Ayon kay Sharon Dacera, ina ni Christine, may nakausap na silang psychic na nag-try makausap ang kalukuwa ng kanyang anak upang tanungin ang tunay na nangyari nu’ng araw ng kanyang pagpanaw.

Ipinagdiinan ng nanay ng Christine na naniniwala silang may foul play sa pagkamatay ng anak kaya hindi sila titigil hangga’t hindi lumalabas ang katotohanan.

Ito’y sa kabila nga ng resulta ng medico-legal na nagsasabing “natural causes” ang ikinamatay ng flight attendant pati na ng mariing pagtanggi ng mga taong pinangalanan sa reklamong rape with homicide na isinampa ni Sharon.

“Ang akin lang naman po, sana makonsensiya sila na magsabi ng totoo. Sabi nila, mahal nila si Tin, e, bakit nagkaroon ng mga galos, yung mga bruises yung anak ko? Sa’n yun galing, e, kayo lang magkakasama, e?” ang mariing pahayag ni Sharon sa programa ni Luchi Cruz-Valdes sa TV5 na “Deretsahan”.

Dagdag pa ng ginang, “Kasi, Ma’am, nagpa-psychic kami. So, kung ano yung sinabi nu’ng spirit ni Tin, na she was really betrayed by a friend.”

Ngunit sinabihan siya ni Luchi na hindi maaaring tanggapin sa korte ang mga pahayag ng psychic dahil wala umano itong “evidentiary value.”

Pero ani Sharon, “Siyempre we are looking for, yung tinatawag natin na lahat ng paraan na ginawa ng isang nanay kung ano ba talaga ang nangyari sa anak niya.

“So, paulit-ulit talaga na nagsasabi si Tin na she was really betrayed by a friend,” pahayag pa niya.

Kasalukuyang hinihintay ng kampo ng pamilya Dacera ang resulta ng DNA test sa ilang organs ni Christine para malaman kung may makukuha pa silang ebidensya na magpapatunay na may foul play sa pagkamatay ng dalaga.

Bukod dito, waiting din sila sa resulta ng hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa pagpanaw ni Christine.

Hinihintay din ng pamilya Dacera at ng mga respondents sa kaso ang desisyon ng Makati City Prosecutor’s Office kung iaakyat ba ito sa husgado o tuluyan nang ibabasura ang reklamo.

Nagbigay din ng reaksyon si Sharon sa mga nanghuhusga sa kanyang anak, “Ako, wini-wish ko na lang na hindi rin mangyari sa kanila yung nangyari sa anak ko kasi masakit, sobrang sakit.”

At bilang ina, isa raw sa natutunan niya sa napakasakit na pangyangyari, “Siguro we always love our children. We are always doing the best for our children.

“So, sa pagkawala ni Christine, I feel the injustice to what had happened to her. So ngayon, kahit sa anong paraan, ipaglalaban ko ang anak ko.

“Anak ko si Christine, mahal namin si Christine. I’m proud of my daughter. We are proud of her. Nabiktima lang ang anak ko,” pahayag ni Gng. Sharon.

Read more...