Kailan Ipinagbawal ng Diyos ang condom?

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

BAKIT palaging sinasabi ng administrasyon ni Gloria na bababa siya sa puwesto kapag nagtapos na ang kanyang termino?
Bakit paulit-ulit na sinasabi ito ng mga tauhan ni Pangulong Gloria?
May kasabihan na kapag ang isang tao ay palaging sinasabi na siya’y mapagkakatiwalaan, kahit na hindi tinatanong ng ibang tao, dapat ay paghinalaan ito.
* * *
Si Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi dapat pagkatiwalaan.
Kung anong sinasabi niya, kabaligtaran ang kanyang ginagawa.
Nang sinabi ni GMA na siya’y di tatakbo pagka-Pangulo sa 2004 presidential election dahil mahahati ang bansa, ano ang kanyang ginawa?
Tumakbo siya at nandaya pa sa eleksyon.
Ngayon, masisisi mo ba ang taumbayan na walang tiwala sa pagkatao ni GMA?
Ang isang taong walang isang salita ay hindi mapagkakatiwalaan.
* * *
Sana ay huwag ituloy ni GMA na kapit-tuko siya sa puwesto kahit na tapos na ang kanyang termino, kung may balak man siya.
Sukang-suka na ang taumbayan kay GMA at ang kanilang pinakaasam-asam ay bumaba na siya sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino.
Magugulo ang bansa dahil maraming mamamayan ang mag-aalsa.
Maraming sundalo ang sasali sa pag-aalsa ng taumbayan.
Baka akala ni GMA na magsasawalang-kibo ang mamamayan kapag iniluklok niya ang kanyang sarili sa puwesto kahit na ito’y iligal.
Iba noong panahon ni Marcos, iba na ngayon. Marunong nang lumaban ang taumbayan sa gobyernong mapang-api.
* * *
Hinamon ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na magbigay ang Department of Health ng ebidensiya na maraming Pinoy ang infected ng HIV/AIDS.
“Where are they? Where are these thousands of patients that the DOH is talking about? Show us the warm bodies. I believe that there are people who are sick but they are not as big as it is being projected by the DOH,” sabi ni Monsignor Pedro Quitorio III, CBCP media office director.
Ayaw kasi ng CBCP ang paggamit ng condom na nakakapag-prevent ng HIV/AIDS. Kasalanan daw ito sa Diyos dahil pinipigil ang pagbubuntis.
Paano naman naging kasalanan ang paggamit ng condom?
At dahil nagpilosopo ang CBCP sa isyu ng paggamit ng condom, dapat ay maging pilosopo din ang sagot sa kanila: Sinabi ba ng Diyos na kasalanan ang gumamit ng condom?
Kailan at saan sinabi ito ng Diyos?
Asan ang ebidensiya ng CBCP na ang Diyos ang maysabi na kasalanan ang gumamit ng condom?
Hihintayin pa ba ng CBCP na maraming Pinoy ang ma-infect ng HIV/AIDS bago payagan ang mga mag-asawa na gumamit ng condom?
* * *
Napabalita na nag-isyu ng “fatwa” ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lahat ng Muslim na huwag suportahan ang kandidatura ni Erap na tumatakbo bilang Pangulo sa May 2010 election.
Ang fatwa ay religious edict na nananawagan sa mga Muslim na usigin ang isang tao na anti-Muslim.
Understandable ang fatwa laban kay Erap kung totoo man na meron nito laban sa dating Pangulo.
Si Erap lang ang nakapagpatino sa MILF nang magdeklara siya ng giyera laban sa rebel group noong siya’y nasa puwesto pa.
Ginawa lang ni Erap ang dapat gawin ng isang lider ng bayan sa mga taong kalaban ng batas.
Ang pagdeklara ni Erap ng giyera laban sa MILF ay isa sa mga magandang ginawa niya noong siya’y Pangulo.
Sayang lang at marami siyang ginawang kapalpakan na nagtakip sa kanyang ginawang kabutihan.

Bandera, 032310

Read more...