Kilalang aktor napikon sa biro ng mga co-star sa pelikula; nagsumbong sa manager

UMANDAR na naman ang pagkapikon ng kilalang aktor dahil balitang nagmaktol na naman ito at nagsumbong sa manager niya.

Hindi kasi niya nagustuhan ang biru-biruan ng kanyang co-stars sa pelikulang ginagawa nila ngayon.

May personal joke ang mga artista na nasa lock-in shoot ngayon at para mawala ang inip moments nila ay sumali sila sa game challenge kaya ang saya-saya ng lahat na pati staff and crew ay nakisali na rin dahil tapos na naman ang trabaho nila.

Oo nga, nagsimula sila ng 7 a.m. at natapos ng 8 p.m. at masyado pang maaga para matulog sila kaya pagkatapos ng dinner ay sumabak sila game challenge dahil keri lang magpuyat dahil day-off nila kinabukasan.

At dahil nagkakasayahan na ang lahat with matching wine pa (yes wine at hindi beer) ay talagang biruan to the max na sila at kinalimutan muna nila ang kanilang pagiging artista.

Pero itong si aktor na napikon daw dahil nang biruin siya ng mga kasama niyang artista ay naging seryoso na ito at hindi na masyadong tumatawa hanggang sa nag-timeout na siya dahil may nalimutan daw siyang gawin sa kuwarto.

Hindi pa rin nahalatang napikon siya kaya muli siyang biniro na kaya raw siya papasok na sa kuwarto ay dahil may “gagawin” siya na lalong ikinairita ng aktor.

Dedma naman na ang mga kasama na nagtuloy pa rin sa game challenge nila at nagulat na lang sila kinabukasan na sinabi ng EP (executive producer) ng pelikula na hindi nagustuhan ng pikuning aktor ang mga biro sa kanya.
Ang mismong manager daw nito ang tumawag sa kanila na wag masyadong magbiruan nang personal dahil nakaka-offend.

Nagkagulatan na lang ang mga kasamang artista ni aktor kaya ang ending lahat sila ay seryoso na sa set at wala nang masyadong kumakausap sa aktor na sumbungero.

Grabe, akala namin nagbago na siya, hindi pa rin pala. Totoo nga ang kasabihan na kahit anong pilit mong magbago, lalabas pa rin ang naturalesa ng isang tao.

“Si ____ (kasamang aktor din sa pelikula), natatawa na lang, parang bata raw pala si _____ (aktor na pikon) dahil sumbungero,” sabi ng aming source.

Read more...