Bro. Eli Soriano ng Ang Dating Daan pumanaw na sa edad 73

PUMANAW na ang leader ng religious group na Members Church of God International at host ng programang “Ang Dating Daan” na si Bro. Eli Soriano sa edad na 73.

Ibinalita ang pagyao ng televangelist sa pamamagitan ng social media accounts ng Ang Dating Daan ngayong Biyernes umaga, Feb. 12.

“It is with deep sadness, yet with full faith in the Almighty, that we announce the passing of our one and only Bro. Eliseo ‘Eli’ Soriano — a faithful preacher, brother, father, and grandfather to many,” ang bahagi ng mensaheng nakasulat sa Facebook page ng Ang Dating Daan.

Hindi naman nabanggit sa official statement ng nasabing religious group kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ni Bro. Eli.

Base sa opisyal na pahayag ng Ang Dating Daan, nagsimula ang pangangaral ng mga salita ng Diyos ng kilalang televangelist sa Guagua, Pampanga noong dekada 70.
Nabigyan din siya ng pagkakataon na malibot ang iba’t ibang parte ng mundo kabilang na ang Brazil at iba pang western countries.

Hanggang sa pasukin na rin niya ang mundo ng telebisyon sa pamamagitan ng paghu-host ng sariling radio show noong dekada 80. Mula noon, naging bukambibig na ang pangalang Bro. Eli Soriano kasabay ng pagdami ng mga sumusubaybay sa ADD.

Siniguro naman ng pamunuan ng Members Church of God International sa kanilang mga tagasuporta na tuluy-tuloy lang ang mga projects na sinimulan, tinutukan at pinaghirapan ni Bro. Eli.

Ipinanganak si Bro. Eli sa Pasay City pero nagkaisip at lumaki siya sa Pampanga. Siya ang itinuturing na “Overall Servant” ng Members Church of God International.

Nakilala siya ng publiko dahil sa kanyang “Bible Expositions” kung saan sinasagot niya ang mga impromptu questions ng kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng live video streaming o tawag sa telepono.

Read more...