Ito ang tsika ni Mama Loi ang partner ni Ogie Diaz sa kanyang “Showbiz Update” vlog na in-upload nitong kahapon, Miyerkules.
Ayon sa kuwento ay si Sarah dapat ang host ng reality show na “Born to be A Star” na umeere ngayon sa TV5 na hino-host ng asawa niyang si Matteo Guidicelli kasama si Kim Molina. Ito ay mula sa Viva Entertainment.
Pero ang balita nga, nag-counter-offer ang ABS-CBN sa Viva at mukhang maganda naman ang naging pag-uusap kaya nananatiling exclusive Kapamilya pa rin si Sarah.
Ang tanong, bakit hindi na napapanood si Sarah sa “ASAP Natin ‘To” kung talagang hindi siya umalis sa Kapamilya network?
Ang kuwento ni Mama Loi, “E, kasi umeere na ngayon ang ASAP sa TV5, e, di ba tumanggi na si Sarah sa TV5, tapos heto mapapanood siya sa ro’n?”
Oo nga naman. Pero ayon kay Ogie ay naniniwala siyang may iba pang dahilan kung bakit wala si Sarah sa “ASAP” lalo’t hindi rin kasama ang singer-actress sa artcard para sa nakaraang anibersayo ng Sunday noontime show noong Peb. 7.
Aniya, “Marami bang naghanap? Pag sikat hinahanap at nararamdaman ang absence. Pag walang pangalan hindi ‘yan mararamdaman kaya ibig sabihin malaking factor si Sarah sa ASAP.”
Sa pagpapatuloy ni Mama Loi, “Kapamilya pa rin po si Sarah at gumagawa siya ng album.”
“Well sa akin lang kung ‘yan ang rason umano ni Sarah na ayaw niyang lumabas sa TV5 dahil tumanggi na siya tapos lalabas siya sa ASAP, kung yun nga ang rason, e, igalang natin si Sarah, pero feeling ko may mas malalim-lalim na dahilan ‘yan kung mayroong problema puwede namang pag-usapan ‘yan.
“At kung si Sarah ay nakuha na ng ABS-CBN eksklusibo, pero nagkapirmahan na ba? Kasi dapat ma-announce ‘yun kung pumirma na si Sarah. So hintayin natin kung ano ang sagot ni Sarah dito, pero ang katotohanan ay nami-miss siya nina Regine (Velasquez). Ang mga Popsters hindi sanay na hindi humahataw si Sarah,” say naman ni Ogie.
Pero may patikim na naman si Regine na malapit nang bumalik si Sarah.
Sa mga nababasa namin ay abala lang daw si Sarah sa paggawa ng album kaya hindi muna siya nakakapag-report sa “ASAP.”