GRABE! Ilang beses ni-retweet ng supporters nina Janine Gutierrez at Nadine Lustre ang nasulat namin dito sa BANDERA tungkol sa posibleng pagsasama nila sa isang GL o Girls’ Love series o movie.
Pabor si Janine na gumawa ng ganitong genre ng project at ang ginawa ng netizens nirepost nila ang balitang ito at tinag pa si Direk Antoinette Jadaone sabay sabing, “Direk, pls, pls, pls!”
Oo nga, matapang si direk Tonette sa mga ganitong genre kumpara kina Direk Cathy Garcia-Molina at Mae Cruz-Alviar na mas type gumawa ng mga romcom.
Oo nga, direk Tonette baka naman puwede mong pagbigyan ang mga gustong makatrabaho ni Janine sa GL project na sina Nadine, Alessandra de Rossi, Anne Curtis, Liza Soberano at iba pa. Pero siyempre mas maganda kung sa sinehan na ito mapapanood na feeling namin ay malapit nang mangyari dahil may bakuna na kontra COVID.
Pero may netizens naman ang nagsabing, “I’m not fan of GL, much better kung action na lang like Charlie’s Angels.”
Puwede rin dahil pawang magaganda at magagaling ang mga unang nagsiganap na sina Farrah Fawcett, Kate Jackson, Cheryl Ladd at Jacklyn Smith na sinunan ng 2nd generation na sina Drew Barrymore, Lucy Liu at Cameron Diaz noong 2003.
Ang pinakahuling version nito ay pinagbidahan naman nina Kristen Stewart, Naomi Scott at Ella Balinska noong 2019.
Sana matapos na ang COVID-19 pandemic para makapag-shoot na under old normal sakaling gawan nga ng mala-Charlie’s Angels na pelikula sina Janine.
Pero siguro bago mangyari ito, e, tatapusin muna nila ang “Darna” series ni Jane na balita ngang lampas P300 million na ang nagastos sa dapat sana’y bagong movie version ng iconic Pinay superhero.
Anumang project ang maisip ng Star para kina Janine, Nadine, Alessandra, Anne at Liza ay siguradong aabangan yan ng kani-kanilang fans.
Samantala, ang “Dito at Doon” movie nina Janine at JC Santos mula sa TBA Studios ay mapapanood na sa Marso 17 sa mga piling sinehan mula sa direksyon ni JP Habac.