ABS-CBN franchise bill at imahe ng Pilipinas bilang demokratikong bansa

Nabuhay na naman ang usaping ABS-CBN franchise, matapos sabihin ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes na hindi niya ito papayagan mag-operate maski bigyan ito ng franchise ng Kongreso. Hindi rin daw niya papayagan ang National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ang ABS-CBN ng license to operate. Sinabi rin ng Pangulo na dapat munang bayaran ng ABS-CBN ang mga taxes nito bago ito mapayagang bumalik sa ere.

Hindi na bago ang mga ganitong pahayag ng Pangulo tungkol sa ABS-CBN franchise. Bago pa man matapos o mag-expire ang legislative franchise ng ABS-CBN, sinabi na ng Pangulo na hindi dapat ma renew o mabigyan ng bagong franchise ang ABS-CBN. Inakusahan na ng Pangulo ng maling gawain ang ABS-CBN. Itanggi man ng marami pati na ng Malacanang, ito ang maaaring isa sa mataas na dahilan kung bakit binasura ng Kongreso ang ABS-CBN franchise bill.

Matatandaan na pinagkalooban ng Kongreso noong 1995 ang ABS-CBN ng isang legislative franchise sa pamamagitan ng pagpasa ng RA 7966. Ang franchise na ito ay nag-expire o natapos noong May 4, 2020 at agad naman nagpalabas ng Cease and Desist Order (CDO) ang NTC. Dahil dito, napilitang huminto sa operation ang ABS-CBN, at nawala sa ere ang Channel 2 at ilan pa nitong TV channels at radio stations.

Matapos din ng ilang beses at paulit-ulit na mahahabang congressional hearings sa Kamara (House of Representatives) para sa legislative franchise ng ABS-CBN, ibinasura ng Committee on Legislative Franchise nito ang ABS-CBN franchise bill noong July 10,2020.

Nitong January 5, 2021, naghain si Deputy Speaker Vilma Santos-Recto ng House Bill No.8298 na magbibigay ng bagong legislative franchise sa ABS-CBN. Maraming kongresista ang nagpahayag ng suporta dito at ang ABS-CBN franchise bill ay mukha namang walang problema na makapasa sa Senado. Ito kaya ang dahilan kaya nagpahayag ang Pangulo na hindi niya ito papayagang mag-operate maski bigyan ito ng franchise ng Kongreso?

Ang bagong pahayag ng Pangulo ay isa na naman hudyat, katulad ng dati, sa Kongreso na tinututulan nito ang ABS-CBN franchise bill. Maski manindigan ang mga kongresista at tuluyang maipasa ang ABS-CBN franchise bill, tiyak na hindi rin ito magiging ganap na batas dahil gagamitin ng Pangulo ang kanyang veto power.

Ang tanging paraan lamang upang maisabatas ang ABS-CBN franchise sa panahon ng kasalukuyang administrasyon ay sa pamamagitan ng people’s initiative and referendum alinsunod sa Initiative and Referendum Act (RA 6735). Sa ating pagkakaalam, mayroon ng sinumulan ang ilang grupo para maisabatas ang ABS-CBN franchise sa pamamagitan nito. Ngunit mukhang mahirap mangyari ito ngayon dahil kulang na sa oras. Mahirap at mahaba ang proseso sa people’s initiative and referendum. Kung sakali naman na makalusot ito ngayon o sa susunod na administrasyon, wala namang kapangyarihang i-veto ito ng Pangulo dahil hindi kailangan ang pirma nito upang tuluyan itong maging isang ganap na batas.

Wala rin kapangyarihang utusan ng Pangulo ang NTC na huwag bigyan ng license to operate ang ABS-CBN kung sakaling maging ganap na batas ang ABS-CBN franchise bill sa anumang paraan. Maaaring totoo na ang NTC ay sakop ng executive department pero walang control power ang Pangulo dito. Ang NTC ay isang quasi-judicial body na may kapangyarihan gaya ng korte na magdesisyon at maghatol tungkol sa usaping nasasakupan nito. Ang NTC ay maaaring mahalintulad sa National Labor Relations Commission (NLRC) na parte rin ng executive department ngunit walang control power ang Pangulo sa mga desisyon nito.

Hindi naman tama na maging condition o isyu pa ang pagbayad ng taxes ng ABS-CBN bago ito makapag operate. Sa ating pagkaalam, ang isyu tungkol sa tax payment ng ABS-CBN ay malawak na tinalakay sa Kamara noong dinidinig dito ang ibinasurang ABS-CBN franchise bill. Napatunayan na bayad ng ABS-CBN ang lahat ng mga taxes nito ayon mismo sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Nasagot na rin ng ABS-CBN ang halos lahat ng reklamo at akusasyon laban dito sa naganap na pandinig sa Kamara.

Sa aking pananaw, ang bagong pagbabatikos ng Pangulo sa ABS-CBN ay hindi nakakabuti sa ating imahe bilang isang demokratikong bansa. Ang mga ganitong pagbabatikos ay maaaring mangahulugan ng pagkitil sa malayang pamamahayag (freedom of the press). Ito ay isang banta sa ating demokrasya.

 

 

Read more...