BARAKO susubukan ng BRGY GINEBRA

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:15 p.m. Meralco vs. Talk ‘N Text
7:30 p.m. Barako Bull vs. Barangay Ginebra
Team Standings: Petron Blaze (3-1); Barako Bull (2-1); Global Port  (2-1); Rain or Shine (2-2); Barangay Ginebra (1-1); Talk ‘N Text (1-1); Alaska Milk (1-1); San Mig Coffee (1-2); Meralco (1-2); Air21 (1-3)

SISIKAPIN ng Barako Bull na maipagpatuloy ang pananalasa sa kanilang pagkikita ng crowd favorite Barangay Ginebra San Miguel sa 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Hangad naman ng Meralco at Talk ‘N Text na makabalik sa win column sa unang laro sa ganap na alas-5:15 ng hapon.
Masagwa ang naging simula ng Energy sa torneo nang sila ay matalo sa Talk ‘N Text sa overtime, 118-113. Pero nakabawi sila sa pamamagitan ng magkasunod na panalo laban sa Meralco (90-89) at Air21 (103-94).
Malaki ang naitutulong ng import na si Michael Singletary sa kampanya ng Barako Bull.
Subalit mas nadarama ng Energy ang kontribusyon ng pinakamaliit nilang manlalaro, ang rookie na si Eman Monfort.
Bukod sa pangyayaring siya ngayon ang leading point guard ng kanyang koponan, si Monfort ay nakapag-aambag ng malaki sa scoring.
Ang Barangay Ginebra San Miguel, na ngayon ay nasa ilalim ng interim head coach na si Renato Agustin, ay nakabawi sa 101-95 pagkatalo sa Petron Blaze sa pamamagitan ng 98-85 panalo laban sa Meralco upang makatabla sa Talk ‘N Text at Alaska Milk sa team standings.
Makakaduwelo ni Singletary si Dior Lowhorn.
Ang iba pang inaasahan ni Agustin ay sina reigning Most Valuable Player Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Chris
Ellis, Rico Maierhofer at Smart Gilas Pilipinas member LA Tenorio.
Matapos namang manalo sa Petron, 89-83, ang Meralco ay dumausdos at natalo sa Energy at Gin Kings.
Umaasa si coach Paul Ryan Gregorio na makakabangon ang Bolts. Subalit baka maging mahirap ang misyong ito dahil sa nakatakdang magbalik sa active duty para sa Talk ‘N Text ang mga Gilas Pilipinas players na sina Ranidel De Ocampo, Larry Fonacier, Jason Castro at Jimmy Alapag.
Sa import matchup ay magkikita sina Mario West ng Bolts at Tony Mitchell ng Tropang Texters.
Si West ay susuportahan nina Reynell Hugnatan, Chris Ross, Sunday Salvacion at Cliff Hodge. — Barry Pascua

Read more...