PAANO ba patutulugin ang magnanakaw? Ang sanggol, para makatulog, ay pinaghehele at sasaliwan ng kantang pampaantok, may tono man o wala. Habang pinaghehele ay maaaring sabayan ito ng sayaw-hakbang. Ang mga bata, para makatulog, ay maaaring utusan o takutin hanggang sa sila’y makatulog. Paano nga ba patulugin ang magnanakaw na mga senador at kongresista? Sleeping pills, beer, scotch? Baka matuluyan ang iba, na may alta-presyon na at iba pang sakit-sakit. Musika? Puwede, lalo na ang klasika mula sa mga maestro. Kanta? Puwede. Kanta ni Janet Napoles?
Iyan ang pinakaaabangan ng mga magnanakaw na senador at kongresista. Hindi pa man binababaan ng warrant of arrest si Napoles ay nauna nang kumanta ang mga magnanakaw na senador at kongresista. Madaling kabisaduhin o isaulo ang kanta ng mga magnanakaw na senador at kongresista: “Hindi ako.” Bahala ka nang lagyan ng himig, masigla man o punebre.
Mali ang akala na maparurusahan ang mga magnanakaw na senador at kongresista na ikakanta ni Napoles. Una, ikakaila lang ito ng mga magnanakaw, tulad ng matagal na nilang ginawa. Muli, ang kantang “Hindi ako.” Sa gagawing imbestigasyon sa Senado, dahil hindi na kayang salagin ang galit ng taumbayan, hindi napilit ang mga senador na ayaw lumahok, kahit ipatatawag pa. Hindi maparurusahan ang mga politiko. Pero, magkakaroon ng linaw ang malabo at masasagot ang maraming tanong kapag kumanta si Napoles. Pero pa rin. Paano kung kanta-kantahan lang ang kanta ni Napoles at idiin ang mga kaalyado ni Gloria Arroyo, tulad ng unang pag-ipit ng Department of Budget and Management at Commission on Audit kay Way Kurat?
May tinig na ang Million March at nabahala na ang Malacanang pero na-psywar lang sa pagsasabing “kaisa namin kayo.” Ha? Paano nagkaganoon? Pinakamalaking baboy ang inilaan sa pangulo. At dadagdagan pa ang pinakamalaking baboy na ito.
Ayon kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, lalakas ang kaso laban sa mga kumita sa baboy kung gaga-wing state witness si Napoles. Pero, iba ang kaso ng mga magnanakaw na senador at kongresista at kaso ng karaniwang mga magnanakaw. Ang karaniwang magnanakaw ay ka-laboso agad. Ang magnanakaw na mga senador at kongresista ay nakapagtatago, nakalalabas ng bansa, tinatakasan ang batas at nakababalik kapag kakampi na nila ang pangulo. Hindi na ito kaila-ngang ipaliwanag pa sa mahihirap. Tanggap na ng mahihirap na wala silang laban sa mayayaman at makapangyarihan sa lipunan, bagaman nagsisikap si Atty. Persida Acosta na baguhin ang pananaw na ito.
Paano kung hindi ituro ni Napoles ang mga kaalyado ng pangulo at ang ituro ay mga kaalyado GMA? Netizens, huwag kayong matutulog.
Ang katotohanan ang magpapalaya? Laos na iyan. Panahon pa ni Ferdinand Marcos ay alam na ng taumbayan ang katotohanan. Ang nakatatakot na katotohanan ay baka maulit ang kasaysayan.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, matagal na ang sinasabing cluster development dito sa SOCCSKSARGEN. Maganda na nga ang mga kalye pa-airport, hanggang sa pantalan ng General Santos City. Iba na rin ang mayor ng GenSan. Pero, bakit parang mas mahirap ang buhay namin ngayon kesa noon? Wala naman kaming kakamping politiko at ayaw namin sa mga politiko. …7622
Ngayon pa lang ay namomolitika na ang chairman namin dito sa Tondo, Maynila. Doble balimbing ang chairman namin. Dikit siya noon kay Lito Atienza, bagaman hindi pa siya chairman. Lim na Lim din siya. Ngayon, Erap na Erap siya. …6521
Ako’y retiradong pulis-Quezon City. Hindi ako naniniwala na kumita sina Gen. Razon at Gen. Barias sa repair ng mga V150s. Grabe na talaga ang politika ngayon. Bakit hindi nila gawaan ng istorya si Gen. Rosales, na bata rin ni GMA?
Tungkab na ang mga espalto sa Quezon City pagkatapos ng malalakas na ulan. Bakit ang hilig nila sa aspalto na madaling masira ng tubig? Nasisira ang mga suspension ng aming sasakyan. Itong gobyerno ni Bistek ay walang malasakit sa middle class. …7042