Kim kumonsulta sa feng shui expert para sa Year of the Metal Ox: swerte na kaya o malas pa rin?

PARA malaman kung ano ang magiging takbo ng kanyang kapalaran ngayong Year of the Metal Ox, talagang kumonsulta pa sa isang feng shui expert si Kim Chiu.

Alam naman ng madlang pipol na hindi masyadong naging maganda ang taong 2020 para kay Kim pati na rin siyempre sa halos lahat ng Filipino na nawalan ng trabaho at kabuhayan ng dahil sa pandemya.

Kaya naman para sa nalalapit na Chinese New Year na magbubukas ngayong Peb. 12, naisipan ni Kim na alamin kung ano naman ang posibleng kahinatnan ng kanyang buhay at career ngayong 2021.

Sa isang vlog, ipinakita ng Kapamilya actress-TV host ang pagtungo niya kamakailan sa isang lugar sa Binondo para manghingi ng payo kay Johnson Chua ng Sunrise Feng Shui tungkol sa magiging kapalaran niya ngayong Year of the Metal Ox.

Sabi ng feng shui expert, mas magiging maayos at maganda ang 2021 para kay Kim na ipinanganak sa Year of the Horse na aniya’y isang “healing and comeback year”.

“Last year kasi, partly because it’s the Year of the Rat, alam natin rat and horse magkalaban, okay? But good news, 2021, it will be much better para sa mga Year of the Horse,” sabi ni Johnson sa dalaga.

Kasunod nito, may warning naman si Johnson sa mga ipinanganak sa Year of the Dragon at Year of the Snake.

“Lalo na ‘yung Dragon and Snake, partly ang health, ‘yung stress energy lalo na sa trabaho and sa negosyo. And also in terms of money luck din. Kailangan we need to be more careful,” babala ng feng shui expert.

“And also, one more thing pala, try not to do ‘yung mga risky adventures like that kasi prone to accident,” aniya pa.

Pagpapatuloy pa niya, “It’s a healing year, it’s a comeback year. Pero ‘wag pa rin tayo masyadong maging aggressive. So dapat conservative play tayo. Matuto tayo mag-budget.”

Ipinagdiinan din ni Johnson na ilan sa mga masuswerteng animal signs ngayong 2021 ay ang Rooster, Monkey, Tiger, Horse at Dog habang ang mga kino-consider na lucky color ay Yellow (money at prosperity), Green (connections, new endeavors), at Red (business/ overall).

Para naman sa mga single at walang mga dyowa na naghihintay pa rin sa pagdating ng kanilang “the one” swerte raw ang taong ito para sa inyo kaya huwag pa ring mawawalan ng pag-asa.

Samantala, ipinakita rin sa nasabing vlog ang ginagawang paghahanda ni Kim para sa nalalapit na Chinese New Year.

“It’s time to recharge ‘yung mga feng shui namin na horses kasi last year, bad ‘yung horse. Like super bad ‘yun. Hindi tayo sinuwerte last year.

“But at the same time, hindi natin ilu-lose ‘yung hope na there’s always a light at the end of the tunnel,” positio pang pananaw ni Kim.

Mensahe pa niya, “Sana mag-heal na tayong lahat, mag-heal na ang buong mundo. Mawala na sana ang coronavirus and kumam-back na ‘yung mga normal nating ginagawa — hugs, beso-beso, and kisses. Then, hangout with friends na walang face shields.”

Sa huli, binanggit din ng girlfriend ni Xian Lim ang ilang pagkain na maaaring ihanda para sa selebrasyon ng Chinese New Year kabilang na riyan ang mga pampswerteng tikoy, pansit, steamed fish, mga bilog na prutas at green vegetables.

Read more...