Ronnie: Hindi ko niligawan si Loisa para maging ka-loveteam, niligawan ko siya kasi gusto ko siya

MARAMI ang nagsasabi na isa sa mga young celebrity couple ngayon sa showbiz na posibleng mauwi rin sa kasalan ay ang relasyon nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte.

Ayon kay Ronnie, nitong mga nakalipas na buwan at noong kasagsagan ng pandemya ay marami pa siyang nadiskubre na ugali ni Loisa.

Apat na taon nang magdyowa ngayon ang dalawang Kapamilya stars at ipinagdarasal daw nila lagi na sana’y sila na ang itinadhana at hindi lang basta pinagtagpo.

Sa nakaraang virtual mediacon ng bago nilang proyekto, ang iWanTFC Valentine’s original digital series na “Unloving U”, nagbanggit si Ronnie ng ilang bagay patungkol sa kanyang girlfriend.

“Kasi nakilala ko siya dati na parang yun nga may kasama, palautos, utos sa PA, dalawang PA, tatlo, ganyan. Ha-hahaha! Iba ito, eh. Tapos nu’ng nakasama ko siya. Ang sipag niya. Ang sarap niya magluto, ganu’n.

“And yung pagkakalog niya ganu’n pa din eh, pero may halo. Ang sweet kasi sa akin nu’ng kalog ka tapos nilalambing ako.

“Alam niyo ba yung feeling na kalog siya na pagkatao pero nilalambing niya ako ng malumanay? Basta iba. Parang lagi naman siyang nakakatawa para sa akin. Kasi harutan lang kami eh.

“Kami yung hindi naman pa-sweet sa isa’t isa. Kumbaga alam na naman namin na kami pero hindi namin siya talaga pinaparamdam na ganu’n.

“Minsan parang magkaibigan lang kami, ganyan. So para sa akin lahat masaya, nakakatawa siya palagi, ang gaan niyang kasama, ganu’n,” chika pa ng binata.

Naniniwala rin ang aktor na pinakamahalaga sa isang relasyon ang “trust” para magtagal ang pagmamahalan, “Yung  tiwala lang sa isa’t isa. May tiwala kasi sa isa’t isa at nagbibigayan kami.

“Walang mataas, walang mababa, nagbibigayan kami. Yung mga sitwasyon na puwede naming pag-awayan, hindi namin pinapalaki. Hindi nilalabas sa labas talaga, tapos kung mag-aaway kami, pag-usapan namin dito and after nu’n, bati kaming lalabas.

“So bigayan lang, respeto sa desisyon and magtatagal kayo yung may respeto kayo sa isa’t isa at alam niyong mahal niyo ang isa’t isa. Yun ang importante. Masaya kaming dalawa,” aniya pa.

Samantala, todo naman ang pasasalamat nina Ronnie at Loisa sa lahat ng Loinie fans na mula noon hanggang ngayon ay nakasuporta pa rin sa kanila.

“Grabe kasi nag-start kasi kami ni Loisa na hindi naman talaga kami ni-launch as a love team talaga. Kumbaga, hindi ko siya niligawan para maging ka-loveteam, niligawan ko siya kasi gusto ko siya.

“So hanga at saludo ako sa mga fans namin na sumuporta talaga sa amin simula una pa lang nung nasa Showtime kami hanggang ngayon na ang dami ng nangyari sa five years namin, sa six years namin sa showbiz.

“Ang laking pasasalamat namin kasi andiyan pa rin sila. Siguro kaya ganun yung mga fans namin dahil ramdam din nila na mahal namin sila, hindi namin sila iniiwan, nagbibigay kami ng updates sa kanila,” lahad pa ng aktor.

Sa bago nilang proyekto, ito ngang “Unloving U”, ibang-ibang Ronnie at Loisa naman ang mapapanood ng madlang pipol. Magsisimula na ito ngayong araw sa iWanTFC. Makakasama rin nila rito sina Ariel Rivera at Gelli de Belen sa direksyon ni Easy Ferrer.

“Laking utang na loob at pasasalamat ho namin sa management siyempre dahil kahit napakahirap po ng panahon ngayon at sa dami ng mga artista, nabibigyan pa rin po kami ng projects,” sey pa ni Ronnie.

Read more...