Kris ibinenta na nga ba ang bahay kaya mangungupahan muna sa probinsya?

File photo mula sa Instagram ni Kris Aquino

Trulili kaya na ibinenta na ni Kris Aquino ang magandang bahay nila sa Greenmeadows kaya seven months na silang nakatira service residence sa Bonifacio Global City (BGC) kasama si Bimby minus Kuya Josh na nasa Tarlac ngayon?

Ito ang kuwento ni Kris sa kanyang Instagram account nitong Biyernes, Pebrero 4 na matagal na nga silang wala sa nasabing bahay pero hindi naman niya binanggit na nabenta na pala ito.

Base sa kwento ng aming source ay nanghihinayang siya sa bahay na tinirhan nina Kris, Josh at Bimb dahil sakto ito sa kanilang mag-iina, bukod pa sa safe ang lugar na iyon para sa kanila.

Katwiran namin na baka isa sa dahilan kaya ibinenta ito ni Kris ay dahil may hindi magandang nangyari sa kanya sa bahay na iyon. Doon siya nagkaroon ng mga sakit na hanggang ngayon ay hindi gumaling-galing bukod pa sa nagka-problema siya sa ilang staff niya dahil sa negosyong ipinagkatiwala niya.

Sa madaling salita ay baka ayaw nang balikan ni Kris ang mga alaalang iyon kaya lumipat siya sa iba para fresh sa paningin niya.

At marahil ay naghahanap ng bagong bahay na malilipatan si Kris kaya nag-condo muna sila ni Bimby. At ngayong papasok ang summer ay umupa siya ng beachfront house  kung saan sila titira sa loob ng anim na buwan na hindi binanggit kung saang probinsya ito at para makasagap na rin ng sariwang hangin na malaking tulong para sa sakit niya.

Ayon pa sa aming katsikahan, “Sana makahanap na si Kris ng bahay na ayon sa gusto niya kasi mahirap ‘yung puro upa rin siya. Though kaya naman niyang bayaran kahit ilang taon pa dahil may pera siya, iba pa rin kasi ‘yung nangungupahan ka, hindi mo matatawag na sarili mong bahay.”

Sana nga gumaling na ng tuluyan si Kris sa bakasyon niya sa tabing dagat para makabalik na siya sa trabaho dahil inaabangan talaga siya ng supporters niya base na rin sa mga komentong nababasa namin.

Paano mo nga namang hindi mamahalin ang isang Kris Aquino na walang trabaho sa kasalukuyan pero heto at namamahagi pa rin ng blessing sa sa mga followers niya bilang pa-birthday din niya sa sarili.

 

Read more...