SUMAILALIM sa angiogram ang actress-politician na si Lani Mercado matapos makitaan ng problema sa puso.
Sa Facebook post kahapon ng kanyang asawang si Sen. Bong Revilla, humiling siya ng dasal dahil nakatakda ngang i-angiogram si Bacoor Mayor Lani para masuri kung may bara sa blood vessels ng kanyang puso.
Sabi ng actor-senator sinamahan lang daw siya ni misis sa ospital para sa kanyang executive check-up pero nagdesisyon itong magpatingin na rin.
At base sa resulta ng isinagawang test sa aktres, may nakita raw na kaunting diperensiya sa kanyang puso kaya kinailangan na siyang magpa-angiogram.
Ayon kay Bong, kapag hindi naging maganda ang resulta ng test, sasailalim na si Lani sa angioplasty para maibalik sa normal ang daloy ng dugo sa kanyang artery.
Kaninang umaga, nagbigay ng medical update si Bong tungkol kay Lani sa pamamagitan ng Facebook Live.
Una muna niyang ikinuwento sa kanyang FB followers na okay naman daw ang resulta ng isinagawang endoscopy at colonoscopy sa kanya at sana’y maayos din ang resulta ng angiogram ni Lani.
Sa part 2 ng FB live ng senador, ipinakita niyang lumabas na si Lani sa kwarto at nagsabing, “I’m back. Back to work na.” Na sinagot naman ng panganay niyang si Bryan Revilla na sa Lunes pa siya pwedeng bumalik sa trabaho, base na rin sa payo ng doktor.
“God is so good!” ang pasasalamat naman ni Bong habang ipinapasok na si Lani sa kanyang hospital room. “God is good. Marami pang makitang apo,” biro naman ng aktres.
Ayon kay Lani, may tinanggal lang na bara sa kanyang valve at hindi na siya kailangang i-angioplasty.
Nag-post uli si Bong sa FB para pasalamatan ang lahat ng nagdasal para sa kalusugan ng butihing asawa. Aniya, kailangan lang daw nito ng sapat na ehersisyo at iwas muna sa stress.
“Salamat po sa inyong mga dasal.
“Lani just got out from the room, and angiogram results show no significant concerns. Though she may need to do some medication, doctors said it’s nothing to be worried about.
“We praise God for this wonderful news. Thank you for interceding,” ang mensahe pa ni Bong.