Glaiza hindi iiwan ang Pinas kahit kasal na kay David; magtatayo ng cafe business sa Baler

SINABIHAN na ni Glaiza de Castro ang kanyang fiancé na si David Rainey na hindi niya kayang iwan ang buhay niya rito sa Pilipinas kahit pa kasal na sila.

Ayon sa Kapuso actress-singer, walang magbabago sa buhay niya bilang aktres at pagiging musician kahit meron na siyang asawa at sariling pamilya.

“I don’t think meron akong ile-let go. I think naging klaro ako kay David about it kahit hindi pa siya nagpo-propose na hindi ko kayang ma-let go ‘yung buhay ko rito,” ang pahayag ng dalaga sa panayam ng GMA.

Siniguro rin ng award-winning actress na hindi magiging hadlang sa kanilang pagsasama ang kani-kanilang career at kahit pa magkaibang-magkaiba ang mundong ginagalawan nila.

“Pero kaya kong i-welcome ‘yung mundo niya so para sa amin, hindi dapat i-compromise ng relationship namin kung ano ‘yung gusto naming gawin sa buhay.

“Medyo mahirap lang kasi dalawang mundo, dalawang opposite na countries, magkabilang side ng mundo pero ‘yun ‘yung exciting about it.

“Kasi mahilig kaming magbuo ng puzzles. Nasa pagbuo kami ng puzzle ngayon so pinagpaplanuhan namin kung anong magiging strategy namin,” paliwanag pa ni Glaiza.

Ibinalita rin ng dalaga na nagbabalak na sila ni David na magtayo ng sariling cafe business sa Baler, Aurora kung saan naroon ang kanyang pamilya.

“Actually, nag-start na rin kami mag-invest ng business dito, sa Baler, actually.

“May ipinapagawa rin kaming cafe doon so isa ‘yun sa mga plans namin in the future na kapag andito siya, ayun ‘yung aasikasuhin niya,” kuwento pa ng Kapuso star.

Samantala, kapag siya naman daw ang nasa Ireland, “I’m still trying to find my way there kung ano ang pwede since nasimulan na namin through this music video, ‘yung pwede kong mga gawin do’n ayon ‘yung isa sa mga plano ko na kapag ando’n ako for few months.

“Hindi ako magtatagal doon ng taon, as in, hindi ko rin kaya ‘yung lamig tapos ‘yung days napaka-short,” aniya pa.

Tungkol naman sa kanilang kasal, hindi pa raw talaga nila napag-uusapan ni David ang tungkol dito dahil sa patuloy pa ring banta ng COVID-19 pandemic.

“Dahil nga medyo mahirap pa tapos ‘yung family niya nandoon, ‘di ba, paano namin dadalhin dito, hindi pa nga nag-o-open ‘yung tourism.

“Although ayokong tawagin silang tourists kasi magiging parte na sila ng pamilya ko. Ayun, parang hindi naman kami nagmamdali na makasal this year or even next year.

“Parang gusto ko muna naming tapusin lahat ng kailangan naming tapusin sa work, sa business n’ya doon. Nasa planning stage pa lang kami, nothing is definite as of the moment,” sabi pa niya.

Read more...