Gerald nakiusap sa madlang pipol: Sana maging sensitive rin tayo sa kapwa natin…

NANAWAGAN ang Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson sa madlang pipol na maging sensitibo sa damdamin at paniniwala ng ibang tao.

Hanggang ngayon ay patuloy pa ring nakikipaglaban ang mga Filipino sa iba’t ibang pagsubok ng buhay lalo pa’t hindi pa rin tumitigil ang banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Gerald, malaki ang maitutulong ng pagiging maunawain at positibong pananaw sa buhay para kahit paano’y maibsan ang dinadalang mga problema ng bawat Pinoy.

Aniya pa, hangga’t maaari at huwag nang gawing kumplikado ang buhay ngayong may health crisis dahil mas magiging mahirap ang pagbangon mula sa mga pinagdaanan at pagdaraanan pang pagsubok.

Kasama ang mga co-stars niya sa upcoming Kapamilya series na “Init Sa Magdamag” na sina JM de Guzman at Yam Concepcion, nakachikahan ni Ces Drilon si Gerald sa kanyang Kumu online show na “Bawal Ma-Stress Drilon” kamakalawa.

Dito natanong ang rumored boyfriend ni Julia Barretto kung ano ang matututunan ng mga viewers sa kanilang bagong serye lalo na ngayong panahon ng krisis.

Tugon ni Gerald, maraming mapupulot na life lesson ang manonood sa kanilang programa, “It’s all about the challenges na hinaharap po natin araw-araw.”

Kasunod nga nito ang pakiusap niya sa sambayanang Filipino na isipin din ang pinagdaraanan ng ating kapwa, “Sana maging sensitive din tayo sa mga ibang tao, na hindi po natin alam kung anong pinagdadaanan nila sa buhay.

“Hindi po natin alam na may mga kanya-kanya po tayong challenges, e.

“Kanya-kanya yung hinaharap natin, so let’s try to be sensitive and sana may concern din tayo para sa iba,” aniya pa.

Para naman sa mga kabataan, nagbigay din ang binata ng advice kung paano maging positibo sa gitna ng mga kanegahang hatid ng pandemya.

“Just keep things simple. Yan naman ang pinakaimportante sa mga natutunan ko.

“Don’t complicate life. Ang daming pwedeng magbago, and the more you keep it simple, the better,” lahad ng aktor.

Read more...