Willie, Randy, John nag-reunion sa Wowowin studio; inalala ang pag-iyak dahil laging kinakastigo ng MTRCB

NAG-REUNION ang magkakaibigan at “Magandang Tanghali Bayan” (MTB) hosts na sina Willie Revillame, Randy Santiago at John Estrada.

Muling nagsama-sama ang tatlo sa 60th birthday celebration ni Willie kamakailan kasama ang isa pa nilang BFF na itinuturing din nilang “mentor” pagdating sa pagho-host ng noontime show.

Sa kanyang Instagram page, nag-post si Randy ng litrato ng kanilang grupo na kuha sa studio ng Kapuso show ni Willie na “Wowowin: Tutok to Win.”

Ani Randy sa caption, “Pagkatagal tagal naming hindi nagkita-kita at sa mga mahahalagang okasyon ay sinisiguro naming magsama-sama.

“Sa pagkakataong ito ay ipinagdiriwang namin ang ika-60 na kaarawan ng aming kapatid na Willie. Maligayang Bati ‘Kuya Wil’ We Love You.”

Kasunod nito, isa pang photo ang ibinahagi ng OPM veteran singer sa IG kung saan kasama naman nila si Direk Bobot.

Sey niya sa caption, “MTB Boys kasama ang aming mentor, Direk Bobot. Sarap balik-balikan ang aming mga pinagsamahan.

“Mga panahong tumatawa sa mga nakakatuwang kalokohan sa MTB at umiiyak dahil lagi kaming suspended ng MTRCB.

“Kuwentuhang walang katapusang tawanan. Happy 60th Birthday kapatid na Willie,” aniya pa.

Nauna rito, binati rin ni Randy si Willie noong mismong birthday nito last Jan. 27, “Mula nang nagkasama tayo ilang dekada na rin ang nakakaraan ay hindi nawala ang respeto natin sa isa’t isa kaya hanggang ngayon ay matibay ang ating pagkakaibigan.

“Maligayang bati sa iyong ika 60th na kaarawan Kapatid. Mabuhay ka at nawa’y tuloy tuloy lang ang pagtulong mo sa mga kababayan nating umaasa sa iyo.

“Nagdarasal sa iyong patuloy na sigla at lakas ng pangangatawan. God Bless You and All the Best Brother, Willie. I Love You️️️,” ang caption ni Randy sa litrato nila ni Willie.

Nagkasama-sama sina Willie, Randy at John sa dating noontime variety show ng ABS-CBN na “MTB” na umere noong 1998 hanggang 2005.

Read more...