KUNG may isang bonggang-bonggang project na gustong karirin ni Vice Ganda yan ay ang pagkakaroon ng sariling fashion label.
Pinapangarap ngayon ng TV host-comedian na maging international fashion designer at makapag-launch ng sarili niyang clothing line na hindi lang para sa mga Filipino kundi para rin sa ibang mga lahi.
“Actually, lately lang, ilang nights ago, meron talaga akong sinasabi na ipe-penetrate ko ang international scene pero hindi sa performing.
“Bigla kong gustong maging designer noong isang gabi kaya kinabukasan, nakipag-meeting agad ako. Nagbuo ako ng team kasi gusto kong magbukas ng, mag-start ng sarili kong label,” pahayag ni Vice sa virtual mediacon kahapon ng “It’s Showtime” para sa “Tawag ng Tanghalan: Huling Tapatan”.
Naniniwala ang Phenomenal Box-Office Star na malaki ang chance na bumenta at sumikat ang plano niyang magkaroon ng sariling fashion label ngayong mas lumalawak pa ang iba’t ibang online business.
“Since online naman ang labanan, parang equal footing on everyone online, sabi ko, eh parang kaya kong lumaban sa online world kasi ang laki naman ng following ko.
“Parang kaya ko ‘yun kaya nakipag-meeting ako kaagad. Kine-claim ko palagi, sisikat ‘tong brand na ‘to international.
“Isusuot ito ng mga Kardashian. Kine-claim ko nang kine-claim. Ganu’n ako, e. Kasi ako 44 na ako pero hindi ako nawawalan o nauubusan ng malalaki at eksaheradang mga pangarap,” chika pa ng Kapamilya comedian.
* * *
Siyam na singers at siyam na pangmalakasang boses ang magpapasiklaban para makuha ang suporta ng parehong mga hurado at madlang people sa pagtatapat nila sa ikaapat na week-long grand finals ng “Tawag ng Tanghalan: Ang Huling Tapatan” sa “It’s Showtime” mula Pebrero 1 hanggang 6.
Gaya ng sa mga nakalipas na grand finals, manggagaling ang score ng bawat performance ng grand finalists sa scores ng mga hurado (50%) at text votes ng viewers (50%).
Maliwanag na kinabukasan naman ang naghihintay sa tatanghaling champion dahil magwawagi siya ng P1 milyon, brand new house and lot mula Lessandra na nagkakahalaga ng P2 milyon, recording contract sa Star Music, management contract sa Star Magic, at isang espesyal na trophy na gawa ni Toym Imao.
Nakumpleto na kahapon ang pangkat ng grand finalists sa pagkakapasok ni Rachell Laylo ng Lipa City, Batangas matapos niyang matagumpay na pinanghawakan ang seat of power sa “Resbakbakan.”
Makakatapat naman niya ang mga kapwa kontesero at konteserang hindi magpapahuli sa digmaan ng bosesan, gaya nina Rica Mae Maer ng Villasis, Pangasinan, Emmar Cabilogan ng Maasin, Leyte, at Nikole Kyle Bernido ng Cagayan De Oro City.
Handa na ring ipaglaban ang pangarap nina Makki Lucino ng Sorsogon, JM Yosures ng Taguig City, Donna Gift Ricafrente ng Sta Cruz Laguna, Mara Tumale ng Malolos, Bulacan, at Ayegee Paredes ng Bukidnon.
Sa unang dalawang araw ng kumpetisyon, mga awiting maglalarawan sa kani-kanilang journey ang kanilang kakantahin at ang makakakuha ng pinakamababang combined score ang matatanggal sa pagtatapos ng Martes.
Muling ibabalik sa zero ang scores ng matitirang finalists at magsasalpukan sila gamit ang mga kantang may temang “Laban Natin ‘To” sa Miyerkules at Huwebes, at temang “Now or never” naman sa Biyernes. Isang finalist kada araw naman ang matatanggal sa Huwebes at Biyernes.
Pagdating ng Sabado, aawitin ng anim na matitirang grand finalists ang kanilang “Dream Song” at sa pagtatapos nito’y tatlo pa ang malalagas sa kanila.
Sa huling tapatan, ang tatlong matitirang matibay ang magpe-perform ng kanya-kanyang pambatong medley na muling huhusgahan ng madlang people at mga hurado.
Sino kaya sa siyam na grand finalists ang tatanghaling ikaapat na “Tawag ng Tanghalan” grand champion at susunod sa yapak nina Noven Belleza, Janine Berdin, at Elaine Duran?
Panoorin ang “Tawag ng Tangalan: Ang Huling Tapatan” sa “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado (Pebrero 1-6) ng tanghali sa A2Z channel sa digital at analog TV.
Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22.