Vice nabiktima ni Angeline; nagsisigaw nang makakita ng ahas sa bag at Chucky Doll sa CR

NA-STRESS sa matinding takot si Vice Ganda nang bumisita sa bahay ni Angeline Quinto para sana sa bagong house tour na ibabandera niya sa kanyang YouTube channel.

Aliw na aliw ang mga nakapanood ng video nina Vice at Angeline kung saan talagang nagtatatakbo ang TV host-comedian palabas ng bahay ng singer-actress dahil sa mga nakakalokang sorpresang sumalubong sa kanya.

Ang dapat sanang pa-house tour sa bahay ni Angeline ay naging “horror house” para kay Vice dahil sa matinding takot na naramdaman kaya naman bentang-bentang ito sa madlang pipol.

Sa part 2 ng pagbisita ng Phenomenal Box-Office Star sa bahay ni Angeline, ang kwarto naman ng singer ang kanyang ni-raid.

Pagpasok pa lang niya sa bedroom ng dalaga ay may nakita agad si Vice na patola sa ilalim ng unan nito. Mas naloka pa siya nang may nakatagong posas at eye mask sa ilalim ng kama kaya tawa sila nang tawa ni Angeline.

Nang makita ang isang bag na nakalagay malapit sa kama ay agad itong nilapitan ng komedyante pero agad siyang pinigilan ni Angeline.

“Huwag mong pakikialaman ito. Ayaw ko. Sandali lang. Huwag na! Walang wallet ito, bag lang,” sabi ng biriterang singer na pilit inaagaw kay Vice ang bag.

“Titingnan ko lang kung anong laman!” sey ni Vice sabay tulak kay Angeline sa kama. Pero biglang napasigaw at naihagis ang bag nang makitang ahas ang nasa loob nito.

Sandaling natulala ang TV host-comedian sa sobrang takot. Makalipas ang ilang segundo, nagtungo naman sa bathroom si Vice pero muli siyang napasigaw nang makita sa loob ang isang Chucky Doll. Napalabas ng kwarto ang dyowa ni Ion Perez at sinabing ayaw na niyang ituloy ang pagre-raid sa kwarto ni Angeline.

Pero hindi pa nakuntento ang dalaga at kinuha pa ang Chucky Doll para takutin pa lalo ang kaibigan. Muling napahiyaw si Vice at nagtatakbo na pababa.

“Na-stress ako. Ayaw ko talaga ng mga ganu’ng manika at mga ahas ahas. Na-stress ako talaga. Na-victim tayo. It’s a prank. Naramdaman niya sigurong kakalkalin ko ‘yung gamit, na-prank ako. Alam niya ‘yung mga kahinaan ko talaga,” chika ng komedyante.

Bumaba na rin si Angeline at bitbit muli ang bag na may ahas. Dito na talagang nag-walkout si Vice palabas ng bahay.

Sa huling bahagi ng vlog, nag-dialogue si Vice ng, “Na-haggard ako sa pagtakbo. Takot na takot ako kasi na-realize ko wala akong mask. Sabi ko baka mahuli tayo ng pulis.

“Sa mga nakakanood nito, pasensya na po kayo kung tumakbo ako ng walang mask. It was not intentional. Sorry sa mga magagalit. Siyempre kapag stressed ka na, hindi mo na maiisip,” ang chika pa ni Vice Ganda.

Read more...