NAGBIGAY ng ilang tips at payo ang “Eat Bulaga” Dabarkads at host ng “Catch Me Out Philippines” na si Jose Manalo sa bagong kasal na anak niyang si Benj Manalo.
Isa si Jose sa mga maligayang-maligaya sa pag-iisang dibdib nina Benj at Lovely Abella last Jan. 23 na ginanap sa isang events place sa Quezon City at dinaluhan ng kanilang pamilya at ilang malalapit na kaibigan.
Kuwento ng TV host-comedian sa virtual mediacon ng “Catch Me Out Philippines”, tinawagan siya ng anak para hingin ang kanyang blessing sa wedding nila ng Kapuso comedienne.
“Before pa siya ikasal, tumawag siya sa akin at sinabing magpapakasal na siya para humingi ng basbas.
“Sabi ko sa kanya na, ‘Benj, at your age siguro alam mo na ‘yan. Sa dami na rin ng pinalamon ko sa yong pangaral,’” pahayag ni Jose.
Aniya pa, “Ako kasi si pangaral. Mahilig akong magbigay ng pangaral kahit hindi ko mapangaralan sarili ko. Pero, kapag sa anak gagawin mo ang lahat.
“Kilala ko na ‘yang si Benj. Siya ‘yung taong may gustong patunayan sa sarili niya na ito ang kaya ko, which is niri-respeto ko.
“Sinabi ko sa kanya, ‘Pumasok ka sa ganyang buhay kaya alam ko na alam mo ‘yung decision mo,’” sey pa ng komedyante.
Kung may matinding payo raw siya para sa anak pati na rin kay Lovely, yan ay ang paninindigan niya bilang haligi ng tahanan at hindi pagbitaw sa pamilya sa kabila ng mga pagsubok.
“Never na never kang gi-give up kung wala namang masamang dahilan.
“Kung masasalba mo ang asawa mo at pamilya mo, kailangan ituloy-tuloy mo ‘yan. Sa tingin ko mas masarap mag mahal kaysa mahalin. Mas masarap mag-serve kaysa pagsilbihan ka,” pahayag pa ni Jose.
Dugtong pa niya, “So, ayun. Ang haba ng pasensya lang naman ang ipinagpe-pray ko. Si Lovely, okay naman. Nakatrabaho ko na yan at alam kong totoong tao ‘yan at anak ko na ‘yan ngayon.
“So goodluck sa inyong dalawa at more blessings. At sa career nila at kung ano man ang tinatahak nila. At siyempre love na love ko sila. Love na love sila ni daddy,” sey pa ni Jose.
Samantala, excited na si Jose pati na ang mga co-hosts niya sa “Catch Me Out Philippines” na sina Kakai Bautista at Derrick Monasterio sa pagsisimula ng pinakabagong game-reality talent show ng GMA 7.
The show will highlight “world-class acts” among Filipinos by honing amateurs through trainings and lessons from people in the industry for a month. Pero ang tanong nga diyan, paano mo malalaman kung ang contestant ay amateur pa lang o isa nang professional sa entertainment industry?
“Dadaan sila talaga sa training para kapag sinalang sila, as in hindi mo sasabihing amateur sila. Minsan, mas magaling pa sila kesa sa professional,” sey ni Jose.
“Ipakikita namin sa pilot yung pride ng Pilipinas, yung pride na kaya ng Pinoy,” sabi naman ng celebrity spotter na si Derrick.
“Kailangan marunong kang tumingin ng mga konting pagkakamali para ma-spot mo. Kailangan magaling ka rin sa technicalities,” dagdag ng Kapuso hunk.
Sabi naman ng isa pang celebrity spotter na si Kakai, tinanggap niya ang show para magkaroon ng bonggang platform kung saan niya maise-share ang ilang mahahalagang aral na natutunan niya sa showbiz.
“I don’t get the chance madalas na makapagsabi ng opinyon dito sa entertainment world,” chika ng komedyana.
Open sa lahat ng nangangarap makapasok sa entertainment industry ang “CMOP”. Sabi nga ni Derrick, “Basta may pangarap ka, may gusto kang marating sa buhay, meron kang skill na gusto i-hone, welcome na welcome ka.”
Magiging iba ang atake ng “CMOP” sa original UK version bilang ito ang kauna-unahang franchise sa Asia. Mas pagtutuunan dito ng pansin ang buhay at pangarap ng mga contestants.
Mapapanood na ang “Catch Me Out Philippines” simula Feb. 6, 7:15 p.m. sa GMA 7.