Hugot ni Meg Imperial sa lovelife: Mahalin mo muna ang sarili mo ng 100%

SA virtual mediacon ng pelikulang “Sana All” nina Meg Imperial at Arvic Tan kahapon ay inamin ng aktres na natapos nila itong i-shoot bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Dapat sana ay ipalalabas na ang movie na ito mula sa Viva Films at BluArt Productions last year.

Say ni Meg, “Nauna po itong i-shoot early last year hindi ko lang matandaan kasi medyo matagal na po.”

Sa tanong kung first time niyang maging leading man si Arvic, “Yes this is the first time that we’ll be working together as love team for this film and nagkakasama na po kami sa mga events and we’re friends.

“So, it’s good na rin na we know each other and magaan naman ‘yung nangyari sa set namin hindi kami nahirapan at hindi rin naman kami nagkailangan,” sabi ng aktres.

“Yes po, before COVID po natapos ang shoot which is very good, sakto nga months before natapos biglang nag lockdown. Working with Meg, actually (sabay paalala sa aktres), nagka-work na tayo sa una mong film (Menor de Edad). Kaya maganda na ‘yung samahan namin ni Meg prior to the movie kasi mas magaan, sobrang ganda ng energy sa set kasama sina Pio, Andoy (Andrew Muhlach) at sina direk at maganda ‘yung setting,” say naman ni Arvic.

At dahil “Sana All” ang titulo ng pelikula nina Meg at Arvic ay natanong sila na dugtungan ang mga katagang, “sana all.”

“Sana all happy tayo pati mga nasa paligid natin, family, friends,” nakangiting sabi ni Arvic.

Sabi naman ni Meg, “Of course sana all kasama ang family ko kasi ako medyo malayo ako sa family ko now even to my brother and sister, my mom is in the province.

“I really hope na I’m with them during this time and I really miss them especially now that nasa lock-in taping po ako, so, ang tagal ko mawawala, mga one month din ito.  So, sana all kasama ko sila during this time.”

Anong love advice naman ang sinusunod nila sa sarili kapag nasa isang relasyon sila.

“Love advice, always be true no matter what. Kahit anong mangyari, no lies talaga, if you’re not feeling okay o hindi okay sa ‘yo ang mga ganitong bagay, tell her, no secrets,” sagot ng aktor.

Para kay Meg, “Ang love advice na isinasapuso’t isip ko talaga is you love yourself 100%, ‘coz if not kung mahal ko lang ang sarili ko ng 30% then someone pumasok sa buhay ko and minahal ako ng 40%, that’s not enough pa rin.

“So always love yourself 100% para pag may dumating na tao ay i-push niya ang sarili niya to a 150 or 200% and that’s what you deserve.”

Samantala, base sa trailer ng “Sana All”, ang daming humanga sa locations na pinagsyutingan kaya natanong kung ano ang paboritong lugar nina Meg at Arvic.

“Adam’s Garden kasi imagine mo  lang ‘yung kubo namin, cabin in the woods, overlooking ng mountain tapos may river tapos paglabas mo may hot chocolate with malunggay powder tapos ‘yung food sobrang sarap kasi organic,” masayang kuwento ng aktor.

“Na-enjoy mo kasi nakaligo ka sa sapa (sabi ni Meg kay Arvic).  Wala akong time no’n. Ako naman na-enjoy ko ‘yung fields of flowers sa (Atok) Benguet kasi pagpunta mo ron, sobrang ang doming iba’t ibang klaseng flowers, sobrang lamig, mae-enjoy mo ‘yung pagsuot-suot ng mga jacket.

“And ang sarap doong mag-hot chocolate rin kasi ang lamig at hindi mo na mapi-feel ang kamay mo.  Nakaka-enjoy magtrabaho sa ganu’n klaseng lugar kasi hindi ka pagpapawisan, fresh ka lang. Saka masarap kasi magkakasama kami ng cast,” kuwento naman ng aktres.

Mapapanood ang “Sana All” sa Peb. 5 sa mga sinehan, yes magbubukas na raw ang mga sinehan sa nasabing buwan kaya sa mga nasabik ng manood sa malaking screen, ito na ang pagkakataon just wear your face shields and face masks.

Read more...