Sue, Maris umalma sa pekeng hubo’t hubad na litrato: Dapat hindi na kumalat ang pambababoy na ‘to!

“HINDI na tama ito. Masyado na kayong nawiwili sa mga panggagago niyo samin!”

Yan ang galit na galit na pahayag ng Kapamilya actress sa mga nagpakalat ng pekeng hubo’t hubad na litrato nila ng kaibigang young star na si Maris Racal.

Tinawag na demonyo at mga baboy ng dalaga ang mga taong nasa likod ng photoshopped na litrato at ang mga walang awang nag-share nito sa social media.

Ni-repost ni Sue sa kanyang Instagram account ang original photo nila ni Maris kung saan pareho silang naka-two piece na siyang inedit ng mga taong walang magawa sa buhay saka ipinakalat sa internet.

Aniya sa caption, “Repost ko lang ulit tong mga picture na to para hindi kayo NATATANGA sa fake news.

“Ewan ko ba kung anong dahilan at pinuputakte niyo kami ng ganito. Wag ko lang mahanap ang nagkakalat ng kung ano-anong katarantaduhan na ‘to.

“Ayoko na sanang magsalita pero ginagambala niyo ang katahimikan ng buhay ko. Umayos kayo. AT WAG TANGA PLS.
“Wag basta bastang naniniwala sa mga nakikita online. HINDI KAYO PINALAKING UTO UTO. Pl slang. Sumusobra na kayo.

“Sa mga nakakatanggap ng picture, siguro naman may delikadesa at respeto kayo enough to know na dapat hindi na kumalat pa ang PAMBABABOY na ito,” pahayag pa ni Sue.

Sa sumunod na post ni Sue, nanggagalaiti na siya sa galit dahil nga may mga nagse-share na ng pekeng litrato, “NAKAKADIRI KA. SA LAHAT NG NAG-SHARE NETO AT SA DEMONYO SA LUPA NA GUMAWA AT NAG-EDIT NG KABABUYAN NA TO. NAKAKATAWA BA TO PARA SA INYO?!!!

“Sa 8.1M followers ko, nakikiusap ako sa inyo. Tulungan niyo ako na matapos na ang kulturang ito. Kulturang bumababoy sa mga kababaihan. Kulturang MAPANIRA. Kulturang KASUKLAM-SUKLAM.

“THIS CAN HAPPEN TO ANYONE. Sa nakakaalam kung saan nagsimula ito, pls contact me through DM. Help me ge to the bottom of this.

“HINDI NA TAMA ITO. Masyado na kayong nawiwili sa mga panggagago niyo samin. AYOKO NANG MANAHIMIK. ABUSADO KAYO,” pahayag pa ng aktres.
Idinaan naman ni Maris sa Twitter ang pagkondena niya sa gumawa ng pekeng litrato. Tinawag pa niyang “manyak” at “walang utak” ang nasa likod nito.

“There’s an edited photo of Sue and I spreading online. Kung sino man ang nag edit nun, wala kang utak. Itigil na ang pambababoy ng katawan ng mga babae. Pagaari namin ‘to. 2021 na, manyak ka pa rin? Magbago na,” tweet ni Maris.

Samantala, naglabas na rin ng official statement ang ABS-CBN hinggil sa kontroversiya. Narito ang pahayag ng network na ipinadala sa BANDERA.

“Nakarating sa amin ang mga malisyoso at edited na litrato ng aming mga Kapamilyang sina Sue Ramirez at Maris Racal na kumakalat online.

“Kinukundena ng ABS-CBN at Star Magic ang iligal na pagmamanipula ng mga litrato ng mga artista at kahit na sino dahil ito ay isang uri ng gender-based online sexual harassment sa ilalim ng RA 11313 o The Safe Spaces Act.

“Nakikiusap kami sa lahat na itigil na ang pagkakalat ng mga pekeng litratong ito sa social media. Ang kapakanan ng aming talents ang pinakamahalaga sa amin, kaya naman hindi kami magdadalawang isip na gumamit ng ligal na aksyon laban sa mga gumawa nito at sa kahit sinong magpo-post, mamamahagi, o kokopya ng mga litratong ito.

“Dapat ay tinatrato ang lahat nang may dignidad at respeto, kahit na sa social media.”

Read more...