WALANG-SAWA sa pamimigay ng regalo at ayuda ang Kapamilya actress-vlogger na si Ivana Alawi sa mga kababayan nating patuloy na lumalaban nang patas sa buhay.
Kamakailan, ilang rider mula sa iba’t ibang delivery app/service ang nakatanggap ng helmet at cash binigyan ni Ivana bilang pagsaludo sa kasipagan ng mga ito sa pagtatrabaho sa gitna ng pandemya.
Ibinahagi ng dalaga sa pinakabago niyang vlog ang pagtulong niya sa mga rider na niregaluhan niya ng tig-iisang helmet plus may P10,000 pa kapag nasagot ang kanyang mga tanong.
Ayon sa sexy actress, nais lamang niyang pasayahin ang mga delivery rider o driver dahil alam niya ang hirap at sakripisyo na pinagdadaanan ng mga ito lalo pa’t dumarami pa ang mga scammers ngayon.
“‘Yung reason talaga kung bakit ko ‘to ginagawa is because marami akong nakikita na scammer na mga tao na akala nila nakakatawa na pagtripan nila ang mga driver na nagpapakahirap magtrabaho,” pahayag ni Ivana sa kanyang bagong vlog.
“Maraming way na maglokohan kayo pero huwag mong pagtripan ang isang tao na nagtatrabaho nang marangal. Kaya ako, I’ll try to help in my own small way,” dagdag pa ng sikat na vlogger.
Alam din niya na sa bawat paglabas ng bahay ng mga rider ay inilalagay nila sa panganib ang kanilang buhay dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
“‘Yung sobrang masisipag natin na mga drivers, kahit nu’ng pandemic talagang bumibiyahe kayo para makapagpadala ng mga pagkain, ng mga delivery, mga orders namin. Salamat, saludo ako sa inyo,” sabi pa ng aktres.
Umaasa rin daw siya na mami-meet niya nang personal ang iba pa sa mga bayaning rider, “Kung hindi ko man kayo na-meet ngayon, pasensya from the bottom of my heart.
“Kasi ‘di ba kahit maraming manloloko na mga customers eh patuloy pa rin kayo. Stay safe mga Kuya at mga Ate na nagdedeliver diyan. Dabest kayo. More and more deliveries for you guys and sana mawala ang mga scammer na tao na nanti-trip,” chika pa ni Ivana.
Ito naman ang babala niya sa mga manloloko o scammer na walang awang nambibiktima ng mga delivery rider, “Stop it. Kung gusto niyong tumulong, tumulong kayo.
“‘Wag kayong mangti-trip ng ibang tao by using their money, by making them sad. Kasi hindi niyo alam ang mga private buhay nila eh, may mga anak,” paalala pa niya.
Samantala, naluha naman si Ivana nang magpasalamat sa kanya nang bonggang-bongga ang isang rider na napaiyak din sa natanggap na tulong.
“Nakaka-touch ‘yung ganu’n. ‘Yung simpleng thank you lang. Sobrang napupuno ‘yung puso ko. I love you guys. Thank you for making me happy. Ano kasi, natutuwa akong magbigay. Parang the way kunwari nanonood kayo ng vlogs ko, ang sarap lang sa pakiramdam,” aniya pa.
“Alam ko sinasabi n’yo parang kumikita pa ako. Pero kasi hindi. Lagi ko siyang ibabalik sa inyo. And that’s my purpose. ‘Di ba, share your blessings? Kahit saan man ako nakarating, lagi kayo nandiyan.
“I will always keep giving back to you because kayo ang nagbigay kung ano man ang meron ako ngayon dito sa YouTube.
“And this is my small way of saying thank you. And grabe my heart is so full talaga kapag nakakapagpasaya ako ng tao. And this is what makes me happy,” emosyonal pang pahayag ng isa sa pinaka-successful ngayong vlogger sa bansa.