Globe inilunsad ang ‘ISDApp’ para sa mga mangingisda

MANILA, Philippines – Magandang balita para sa mga kababayan nating mangingisda.

Globe, ang nangungunang telecommunications company sa bansa, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Region IV-A at sa National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI), ay maglulungsad ng ISDApp.

Mula sa developer nitong iNON IT Solutions, ang ISDApp ay naglalayong matulungan ang mga komunidad ng mga kababayan nating mangingisda sa paghahatid ng pinakabagong lagay ng panahon sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng community application na ito, mas mapaplano ng maigi ng ating mga mangingisda ang kanilang pagpapalaot nang hindi na nangangailangan ng smartphone o internet connection.

Ang pilot testing ng nasabing app ay magaganap sa unang bahagi ng taon. Nasa 300 mangingisda sa pitong barangay sa baybayin ng Sariaya, Quezon ang unang makikinabang sa naturang app.

“Nagkakaroon ng mahigit 20 bagyo sa bansa natin taun taon, ang ISDApp ay dinevelop para magsilbing karagdagang tulong sa mga kababayan nating mangingisda,” paliwanag ni Yoly Crisanto, Senior Vice President para sa Corporate Communications at Chief Sustainability Officer ng Globe.

Para magamit ang app, ang community leader ng bawat lugar ang siyang magiging “Community Controller.” Ang ISDApp ay ii-install sa kanyang smartphone na siya namang magbibigay ng ISDApp community number para sa kanilang lugar.

Dito maaaring mag register ng libre ang iba pang mga mangingisda sa komunidad sa pamamagitan ng SMS o text message. Sa pamamagitan nito, makakatanggap na ang mga miyembro ng pinakabagong ulat ng panahon sa kanilang lugar bago pa man sila makapalaot.

Kasama na sa update ang petsa at oras ng nasabing lagay ng panahon at mga simpleng tips at mahahalagang paalala para sa ating mga kababayang mangingisda.

Kabayan, ito ang taya ng panahon ngayong Dec 31, mamayang 4:00AM.

May panaka-nakang pag-ulan. Siguraduhing magdala ng raincoat o anumang pananggalang sa ulan.

Tandaan, ito ay gabay lamang para sa mas ligtas at masaganang pangingisda. Kung may katanungan, mag-text o tumawag sa iyong ISDApp Community Leader. Ingat!”

“Kabayan, may paparating na masamang panahon. Mangyari tayo’y mag ingat lamang sa ating pagpapalaot. Tandaan, ito ay gabay lamang para sa mas ligtas at masaganang pangingisda. Kung may katanungan, mag-text o tumawag sa iyong ISDApp Community Leader. Ingat!”

The NFRDI supports this initiative of iNON and Globe to address the digital divide in rural fishing communities in the Philippines. This pioneering innovation will surely be a great help to keep our fishermen informed and safe in their fishing activities in the coming years,” sabi ni Dr. Lilian Garcia, CESO V, Acting Executive Director of NFRDI.

“Nitong mga nakaraang panahon, lalo na nung sunod sunod na bagyo ang bumisita sa ating bansa, napaka halagang magkaroon sila ng mabilis at tamang ulat ng panahon,” dagdag ni BFAR Region IV-A Regional Director Sammy Malvas.

“Napakahalagang aplikasyon nito para sa mga mangingisda,” ayon naman kay Nonilo Rate, isa sa mga mangingisda sa Barangay Castanas sa Sairaya, Quezon.

Aniya, “dahil kada apat na oras nagpapadala ito ng paalala kung may darating na masamang panahon, bago umalis ng bahay para lumaot, makakapaghanda ang mga mangingisdang tulad ko kung ano ang dapat gawin.”

Ang BFAR ay ang ahensiya ng gobyernong namamahala sa pagsulong ng mga programang naglalayong mapabuti at mapangalagaan ang fisheries at aquatic resources ng bansa.

Samantala, ang NFRDI naman ang natatanging kagawaran ng BFAR Department of Agriculture na siyang nagsisilbing research arm ng nasabing ahensiya at nagnanais na matulungang maiangat ang estado ng pamumuhay ng bawat mangingisdang Pilipino at gawing isa sa top five fish producers ang Pilipinas sa buong mundo.

Ang developer ng app, iNON IT Solutions, ang kauna unahang Filipino team na nanalo sa NASA Space Apps Challenge nuong Oktubre 2018 kung saan ISDApp ang kanilang ginawang entry.

Ginawaran ang iNON ng Global Winner in the Galactic Impact category.

Suportado ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular ang UN SDG No. 9 at 11 kung saan binibigyang importansya ang “innovation” at pagtataguyod ng “sustainable” na mga siyudad at komunidad.

Read more...