DUMEPENSA agad ang Kapuso actress na si Aiko Melendez matapos banatan ng ilang netizens dahil lang sa ipinost niyang litrato kasama si Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nagtungo kamakailan ang aktres sa Malacañang para sa interview niya kay Roque na ipalalabas sa kanyang YouTube channel very soon.
Ayon kay Aiko, ilan sa mga nagpag-usapan nila ni Roque ay ang issue sa kanila ng TV host-comedian na si Vice Ganda dahil sa COVID-19 vaccine at ang pagpapa-interview niya sa kilalang broadcast journalist na si Pinky Webb.
Nag-viral kasi ang “hair flip” paandar ni Pinky sa mainit na interview niya kay Harry Roque para sa CNN Philippines.
Sey ni Aiko sa kanyang Facebook post, “Oopps … Bago niyo i-bash panuorin muna niyo ang interview ko sa kanya. sinagot niya ang issue about hair flip of Pinky Webb, ang issue ke Vice Ganda. Abangan niyo sa YouTube channel ko.”
Kasunod nga nito ay inokray ng bashers si Aiko dahil wala raw siyang suot na face mask sa picture nila ng kontrobersyal na government official.
Sabi ng ilang netizens, maliwanag daw na lumabag ang aktres sa ipinatutupad na health protocols sa gitna ng pandemya. Agad namang bumuwelta si Aiko at nagsabing wala silang nilabag na kahit anong panuntunan.
Tinanggal lang daw nila ng kanyang boyfriend na si Jay Khonghun ang kanilang face mask noong magsimula ang interview.
“Zoom that picture, proof that we were all wearing a mask before the interview, I just had to take it off during the conversation, that white mask with gold chain holder kita na nakasabit sa akin,” pahayag ni Aiko.
Ipinagdiinan pa niya na dumaan sila sa RT-PCR test bago nakapasok sa Palasyo, “And we had a swab test before going to Malacañang.
“We also observed social distancing during the interview, magkalayo po kami ng upuan ni Sec. Harry Roque,” paniniguro pa niya.
Hirit pa ni Aiko sa lahat ng mga nangnenega sa pag-iinterview niya kay Roque, “#justsaying na sumusunod po kami sa protocol … how can anyone think Sec. Roque will just allow us to go there without ensuring his safety, di ba?”