‘James Bond ng Pinas’ na si Tony Ferrer, pumanaw na

Sumakabilang-buhay na ang beteranong aktor na si Tony Ferrer, ang tinaguriang James Bond ng Pilipinas, ngayong Sabado sa edad na 86, ayon sa kanyang anak.

“On 23 January 2021, our beloved father, friend, and Philippine movie industry treasure ANTONIO D. LAXA popularly known as TONY FERRER joined our Creator quietly in his sleep and in the comfort of his home. He was 86 years old,” ayon sa Instagram post ng anak ni Ferrer na si  Mutya Laxa Buensuceso.

Ayon kay Buensuceso,  si Ferrer ay nasa pangangalaga ng kanyang mga anak sa kanyang mga nalalabing araw.

Alinsunod na rin sa kagustuhan ng dating aktor, wala umanong isasagawang public viewing sa kanyang labi.

“In lieu of flowers and cards, an online mass and memorial shall be announced to family, relatives and friends shortly,” ayon kay Buensuceso.

Nakilala sa pinilakang-tabing si Ferrer noong dekada ’60 sa kanyang mga pelikulang gaya ng seryeng “Tony Falcon in the Agent X-44.” Una niyang naging pelikula ay ang “Kilabot sa Barilan” na pinagbibidahan ni Fernando Poe Jr. noong 1961.

Si Ferrer ay ama ng aktres na si Maricel Laxa-Pangilinan at lolo ni Donny Pangilinan.

Mula sa ulat ni Katrina Hallare, INQUIRER.net

Read more...