Pinakamasakit na narinig ko, sabi nila mukhang pera daw nanay ko

“SINABI nila na mukha daw pera nanay ko.” Ito raw ang pinakamasakit na komento na narinig o nabasa ni Ion Perez mula sa mga taong kontra sa relasyon nila ni Vice Ganda.

Ayon sa Kapamilya actor-model, maraming malilisyosong salita ang ibinato sa kanya ng mga tao nang umamin siyang magdyowa na sila ni Vice. Kabilang na nga riyan ang manggagamit, desperadong sumikat, pera lang at habol at kung anu-ano pa.

Sa bagong vlog ni Vice sa YouTube, sumabak ang celebrity couple sa “Jenga challenge with a twist” kung saan may mga katanungan at dare sa bawat piraso ng jenga na makukuha nila.

In fairness, nakakaaliw ang batuhan ng punchlines ng dalawa habang sinasagot ang mga tanong at ginahawa ang mga nabubunot nilang dare.

May isang eksena pa ngang game na game na inamuy-amoy ni Vice ang kilikili ni Ion bilang isa sa mga dare, “Hindi naman challenge to, e. Pabor pa nga ito, e. Gusto ko yan, gusto ko yan!”

At sa huling bahagi nga ng vlog ni Vice, sinagot ni Ion ang tanong na, “Ano ang pinakamasakit na sinabi ng ibang tao tungkol sa relasyon niyo?”

Sabi muna ni Vice sa kanya, “Bagay sa ‘yo yung tanong. Ikaw naka-experience niyan nang bonggang-bonggang major to the severest level.”

Pahayag ni Ion na una ngang nakilala sa “Showtime” bilang Kuya Escort, “Yung sinabihan din yung nanay ko na ano, na mukhang pera. Yun yung pinakamasakit sa akin. Sa akin, okay lang, e, tanggap ko yun, e.

“Pero yung sa nanay ko, parang ano, e, nakasama ko yun, alam ko naman ‘yon nu’n, e, nakasama ko sa hirap, e.

“Hindi naman ganu’n, ‘yon yung pinakamasakit na narinig ko sa tao. Na sinabi nila na mukha daw pera nanay ko,” lahad ng binata.

Dagdag ni Vice, talagang iniyakan daw nang bonggang-bongga ni Ion ang komentong yun pero paglipas ng panahon, napatunayan naman daw ng karamihan na hindi ganu’n ang nanay ng binata kay dedma na lang ito kapag may mga kanegahang nababasa tungkol sa kanyang pamilya.

Kung matatandaan, sinagot na rin ni Ion ang mga nagsasabing pera lang ang habol niya kay Vice kaya dyinowa niya ito, “Hindi ko po kayang gawin yun sa kanya.

“Kasi kung ginawa ko po yun sa kanya, parang wala na rin akong pinagkaiba sa mga nakaraan na nanloko sa kanya.

“Sa lahat ng nag-iisip na pineperahan ko si Vice Ganda, mga tsong, siguro masasabi ko lang sa inyo, pakisamahan niyo lang ako sa maghapon.

“Kung may nasabi kayo sa pag-uugali ko, magpapaalila ako sa inyo habang buhay, pagawa mo sa akin, basta may nasabi ka sa pag-uugali ko sa maghapon na tayo magkasama,” hamon pa ni Ion.

Read more...