Angel dumepensa kay Vice: Ayos yung baklang komedyante, noh? Pinaglalaban ang tama, may malasakit sa tao

HINDI man pinangalanan ni Angel Locsin ang “baklang komedyante” sa kanyang Instagram post, marami ang naniniwala na ang tinutukoy niya rito ay si Vice Ganda.

Ayon sa mga netizens, ito’y pagtatanggol ng TV host-actress kay Vice matapos mag-react si Presidential Secretary Harry Roque sa banat ng Kapamilya comedian tungkol sa COVID-19 vaccine.
Ang punto ni Vice, parang hindi naman yata makatarungan ang pahayag ni Roque na hindi na dapat maging choosy ang mga Pinoy sa brand ng bakuna na ituturok sa kanila.

Aniya, kahit nga raw sa sabong panlaba ay choosy sa pagpili ang mga tao, sa COVID-19 vaccine pa kaya? Ang sagot naman ni Roque, kanino ba mas magtitiwala ang publiko, sa mga eksperto o sa mga komedyante?

Sa isang episode ng “It’s Showtime” ng ABS-CBN, nagsalita uli si Vice na pinaniniwalaang bwelta niya uli laban sa spokesperson ng Malacañang. Wala siyang binanggit na pangalan pero tila patama nga niya ito laban kay Roque.

Sa “Tawag ng Tanghalan” segment, napag-usapan ang kinanta ng isang contestant ang “Clown”. Dito na humugot si Vice at nag-dialogue ng,  “Pero ako, hindi ako clown. I’m a comedian. At may kilala akong clown.”

Sa puntong ito, tumingin nang diretso sa camera ang TV host-comedian sabay tawa at muling nagsabi ng, “I’m a comedian. You are the clown.”

May mga nagsabi ring banat ito ni Vice sa mga netizens na nangnenega sa kanya matapos kalabanin si Roque tungkol sa COVID-19 vaccine.
Sumunod naman dito, sa “Hide and Sing” segment ng “Showtime”, tinanong ni Vice ang mga contestant kung payag na ba silang magpabakuna pero umiling ang mga ito.

Sabi pa ng komedyante habang tumatawa, “Okay ba sa inyo ang Sinovac?” Sundot pa niyang hirit, “Usapang bakuna pala. Vaklang twooaah!”

Samantala, nag-post naman sa Instagram Story si Angel ng makahulugang mensahe na sinasabing pagtatanggol niya kay Vice sa gitna ng isyu sa kanila ni Roque.

Sey ni Angel na walang binanggit na pangalan, “Ayos yung baklang komedyante, noh? Pinaglalaban ang tama at may malasakit sa tao.”

May makikita sa ibabang bahagi ng post ng aktres na isang “My Little Pony” cartoon character na kulay asul. May rainbow color naman ang buhok at buntot nito.

Dahil dito, nagkakaisa ang mga followers ni Angel sa pagsasabing para kay Vice Ganda ang kanyang IG post. Alam naman ng lahat na inihahambing ang komedyante sa “kabayo” at Little Ponies ang tawag niya sa kanyang fans.

Read more...