FEU taob sa Ateneo


WALANG kapaguran na inatake ng Ateneo ang FEU tungo sa kahanga-hangang 92-73 panalo at umangat na sa pang-apat na puwesto sa 76th UAAP men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

May apat na tres tungo sa 20 puntos si Juami Tiongson habang sina Kiefer Ravena at Chris Newsome ay naghatid ng 18 at 11 puntos, ang huli ay mayroon pang 14 rebounds at ang tropa ni coach Bo Perasol ay nanalo ng ikalimang sunod tungo sa pagtabla sa La Salle sa 6-4 baraha.

“It’s not the lead but the necessity of the win because if we were not going to win, then we’ll not be in the top four. I think they responded well and I hope we can carry this momentum against a very tough team La Salle on Saturday,” wika ni Perasol na nag-coach kahit kasasailalim sa minor surgery para ipatanggal ang mga kidney stones.

Si Ravena ang nagpasimula sa mainit na pag-arangkada ng Eagles nang magbagsak ng anim tungo sa 26-11 bentahe sa unang yugto.

Pumalit si Tiongson na nagpakawala ng 16 puntos sa ikalawa at ikatlong yugto at ang Ateneo ay lumayo ng hanggang 33 puntos, 73-40, upang matiyak ang panalo.

Ito ang ikatlong pagkatalo sa apat na laro sa second round ng Tamaraws ngunit una pa rin sila sa liga sa 8-3 baraha.

Read more...