Coney napraning sa lock-in taping, gusto nang umuwi; KimLex loveteam bibida sa ‘My Fantastic Pag-ibig’

DIRETSAHANG inamin ng veteran actress na si Coney Reyes na napraning siya noong unang dalawang araw ng pagsabak niya sa lock-in taping.

Kahit may pag-aalinlangan, lakas-loob na bumalik sa taping si Coney para sa Kapuso series na “Love Of My Life” na napapanood na uli ngayon sa telebisyon.

Natigil din ang pag-ere ng nasabing teleserye sa GMA nang ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lockdown dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Nagkuwento ang aktres kamakailan tungkol sa naging experience niya sa kauna-unahang pagsabak sa lock-in taping kasama ang iba pang cast ng “Love Of My Life” kabilang na sina Carla Abellana, Rhian Ramos at Mikael Daez.

“Yung lock-in taping, tumatagal ng ilang linggo hanggang isang buwan na walang uwian ang cast members at production staff habang ginagawa ang mga episode ng serye,” simulang pahayag ng nanay ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa GMA.

Pagpapatuloy niya, “Sa first two days ko sa lock-in, parang gusto ko nang umuwi. Napapraning ako. Kasi parang feeling ko meron akong mga protocols na nakakalimutang gawin.”

Makalipas ang ilang araw, nakapag-adjust din ang aktres kaya sa sumunod nilang lock-in taping ay wala nang pag-aalala si Coney, sa katunayan mas naging excited pa raw siya na bumalik sa set nila.

Natutuwa rin ang Kapuso veteran actress na maraming advantages ang new normal na taping. Bukod sa mas naging close at nagkakaroon ng sapat na bonding time ang cast, natatapos din nila nang maaga ang kanilang trabaho.

                           * * *

Malapit nang mapanood ang bagong kakikiligang fantasy romcom series sa GMA News TV na “My Fantastic Pag-ibig.” Tampok dito ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig na may element ng fantasy.

Sa pilot story ng “My Fantastic Pag-ibig” na mapapanood na sa Jan. 30, bibida ang tambalan ng “StarStruck” alumni na sina Kim de Leon at Lexi Gonzales.

Kuwento ni Lexi, super enjoy siya sa kanilang taping. Marami raw siyang preparations na ginawa para sa proyektong ito.

“I made sure that I had rest and a lot of water. I made sure na inaral ko nang mabuti ang character, ‘yung role na gagampanan ko.

“And dahil lock-in taping, I brought a lot of stuff na kailangan ko talaga like blankets, towels, soap, lahat talaga dinala ko na! It was super fun and dahil nga I went through all these preparations, easier noong nandun na ako sa set,” sabi ni Lexi.

Samantala, ibinahagi rin ni Lexi sa #KPRGAsks ni Kapuso PR Girl na patuloy raw ang communication niya sa fans niya online.

Gayunpaman, aminado siyang miss na niya ang kanyang supporters kaya sana nga raw ay magkita-kita na sila ulit soon.

“Puro kami zoom parties and Google Meet parties. Meron kaming GC wherein doon kami nagcha-chat at nagpo-post ng updates.

“But I really hope na maging okay na lahat soon para makagawa na kami ng actual get-togethers para makapagkita-kita na kami,” kuwento ng dalaga.

Read more...