Imbyerna si Secretary Harry Roque sa patutsada ni Vice Ganda na kung sa sabon nga ay choosy ang mga Pinoy, sa bakuna pa kaya.
“Mali naman na ikumpara ang bakuna sa sabong panlaba,” wika ni Roque sa mga mamamahayag.
Sinabi ni Roque na di tulad sa sabong panlaba, may kakulangan sa supply ng bakuna sa bansa.
“Nag-aagawan nga po tayo sa 18 percent na available supply. Pangalawa, hindi lang naman po ito gagamitin para sa damit. Kaya nga po hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi taltlong grupo pa ng eksperto ang mag-susuri kung ang mga bakuna ay ligtas at epektibo,” paliwanag niya.
Pumirma na sa kasunduan ang Pilipinas para sa 25 milyong doses ng CoronaVac, ang bakuna laban sa Covid-19 na ginawa ng Sinovac ng China. Lumalabas sa mga pag-aaral na hindi ito kaseng epektibo ng mga bakunang gawa sa EU at US.
Kaya sa harap ng agam-agam ng publiko sa CoronaVac, sinabi ni Roque na hindi kontrolado ng gobyerno kung ano ang brand na gagamitin sa libreng pagbabakuna kaya dapat umano ay huwag maging choosy ang publiko.
Tumaas dito ang kilay ni Vice.
Sa kanyang tweet noong Martes, sinabi ni Vice na: “Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya. Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!”
Nag-viral ang komento ni Vice na sa Twitter lamang ay pinusuan ng mahigit 36,000 na users.
Kaya naman may bwelta sa kanya si Roque.
“Kung hindi naman po natin pagtitiwalaan ang mga experts… sino ang ating pagtitiwalaan? Siguro po hindi mga komedyante.”
Maliban sa Sinovac, may kasunduan din ang Pilipinas sa British drugmaker na AstraZeneca para sa 17 milyong doses, at 30 milyon naman mula sa Covovax ng India.