PATULOY na pinalalakas ng Air21 ang lineup nito sa hangaring mapaganda ang kampanya sa kasalukuyang PBA Governors’ Cup at mapaghandaan ang 39th season na magsisimula sa Nobyembre.
Nakipagpalitan ng manlalaro ang Express sa Petron Blaze Boosters at Barangay Ginebra San Miguel Kings sa magkahiwalay na trade.
Ipinamigay ng Air21 si Nelbert Omolon sa Petron kapalit ni Joseph Yeo sa isang straight trade. Ipinadala rin ng Express si James Ryan Sena at isang future draft pick sa Gin Kings kapalit ni Kerby Raymundo.
Makakasamang muli ni Yeo ang dati niyang La Salle coach na si Franz Pumaren at mga dating Green Archers na sina Mike Cortez at Ren-Ren Ritualo.
Ayon sa sources, baka naman hindi magtagal si Raymundo sa Air21 dahil sa puwede siyang mapunta sa Meralco kapalit ng isa pang dating Green Archer na si Mark Cardona.
Ang Air21 ay ikatlong koponan ni Yeo. Si Yeo na produkto rin ng Xavier High School ay nagsimula sa Sta. Lucia Realtors bago pinamigay sa Petron kapalit ni Bonbon Custodio.
Bumaba ang playing time ni Yeo sa Petron bunga ng pagpasok ng mas batang manlalarong sina Marcio Lassiter at Chris Lutz, na kapwa dating miyembro ng Gilas Pilipinas. Sa Air21 ay malamang na mabigyan siya ng mas mahabang exposure.
Nanumbalik naman ang buti ni Raymundo sa nakaraang Commissioner’s Cup sa ilalim ni dating Barangay Ginebra coach Alfrancis Chua. Tinulungan niya ang Gin Kings na sumegunda sa Alaska Milk sa naturang torneo.
Isang produkto ng Letran College, si Raymundo ay nagsimulang maglaro para sa Red Bull bago napunta sa Purefoods. Pinamigay siya ng Hotdogs sa Gin Kings sa kalagitnaan ng 2011-12 season.
Kung matutuloy ang paglipat ni Raymundo sa Meralco ay muli silang magkakasama ni dating Purefoods coach Paul Ryan Gregorio na ngayon ay may hawak ng Bolts.
Hangad ni Gregorio na palakasin ang kanyang frontline. Nauna na niyang kinuha sina Don Carlos Allado buhat sa Barako Bull at Nonoy Baclao buhat sa Air21.
Si Sena, na galing sa Jose Rizal University, ay magiging back-up ni Japeth Aguilar sa Barangay Ginebra. Hangad naman ni Omolon na pahabain pa ng kaunti ang kanyang PBA career sa kanyang ikaapat na koponan.
Isang produkto ng Philippine Christian University, si Omolon ay naglaro rin sa Sta. Lucia at Meralco bago napunta sa Air21.
Samantala, tinambakan ng Petron Blaze Boosters ang Air21 Express, 112-86, sa kanilang 2013 PBA Governors’ Cup elimination round game kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Elijah Millsap, na tinanghal na Best Player of the Game, ang nanguna para sa Boosters sa ginawang 27 puntos at 12 rebounds.
Si Zachary Graham ay nagtala naman ng 19 puntos para pamunuan ang Express.