Sinampahan ng kasong kriminal ng pamahalaang lokal ng Malabon ang Dito Telecommunity Corporation dahil sa umano’y ilegal na pagtatayo ng cell site sa lungsod.
Walong inhenyero at trabahador ng Dito, ang ikatlong telco sa bansa, ang kinasuhan ng City Engineering Office sa Malabon City Prosecutor’s Office ng paglabag sa Section 301 ng Presidential Decree 1096 o ang National Building Code of the Philippines.
Ang mga sinampahan ng kaso ay sina engineers Hue Jidong, 54 at Jockey Mediola, 44; kasama ang mga trabahador na sina Pablo Peralta, 49, steel man; Wilfredo Magtalas, 41, mason; Fredison Gagarin, 41; Sancho Villanueva, Jr., 44; Jomar Reyes, 21; at Raymond Bayan, 34.
Ayon kay City Engineer Christian Uriarte ng Malabon City Engineering Office, tatlong beses na nilang pinadalhan ng violation notice ang Dito noong Disyembre pero binalewala lamang umano ito ng kompanya.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang mga akusado ay inaresto ng mga awtoridad makaraang mahuli silang nagtatayo ng cell site para sa Dito na walang permit sa Barangay Tinajeros, Malabon City noong Disyembre 2020.
Sa panayam ng GMA News Online kay Engineer Daniel Salvador, sinabi nito na sinisimulan nang ayusin ng Dito ang permit sa pagtatayo ng cell site sa pamahalang lungsod.
“Ang alam ko po ngayon naga-apply sila ng permit pero di pa rin po yata natatapos dahil maraming kulang sa mga document nila,” ayon kay Salvador.
Sa pagsasampa ng kaso laban sa Dito ay binigyang-diin ni Uriarte na walang puwang sa Malabon City ang mga negosyanteng hindi marunong sumunod sa patakaran ng siyudad.
“Hindi na tama ang ginagawa nilang pambabastos sa LGU kaya tama lang na hulihin at kasuhan sila ng paglabag sa National Building Code of the Philippines,” ayon kay Uriarte.