Ito ang tanong ni Aiko Melendez kay Ogie Diaz sa “Truth or Dare” vlog ng aktres sa YouTube.
Kapag ayaw nilang sagutin ng “truth” ang tanong ay may ipagagawa sa kanila at kung ayaw sundin, magbabayad ng P10,000.
Ang sagot ni Ogie kung sino ang mas may kredibilidad, “Hoy grabe ka, pareho naman nating kaibigan ‘yan tapos papipiliin mo ako?”
“Truth or dare,” diin ni Aiko.
“Kung sasabihin kong si Kuya Boy? Sasabihin walang kredibilidad si ate Lolit ay paano kung pareho naman silang (meron)?” sagot ng komedyanteng vlogger at talent manager.
“Ay hindi puwede, dapat may isang mas matimbang?” hirit ng aktres.
Sandaling nag-isip si Ogie sabay sabing, “Dare na lang kesa makasakit ka ng kalooban ng isa.”
Say ni Aiko, “So ayaw mo, playing safe ka. O sige dare na. Nakikita mo ‘yung shop na ‘yun across ng Coffee Project?”
Ang dare ng aktres ay kakausapin ni Ogie ang lady guard ng shop at kailangan mapapayag nito na ilagay ang karatulang “closed” kahit marami pang taong gustong bumili o pumasok sa loob.
Ang tanong ng kumpare ni Aiko kay lady guard, “Lady guard, may pinapatanong si Aiko, nahihiya kasi siyang magtanong, close ba tayo o open?” Sagot ng lady guard, “Puwede naman pong mag-open.”
“So, hindi tayo puwedeng maging close?” balik-tanong ni Ogie, “Puwede rin po,” saad ng guard.
“Ay salamat, hayan closed na kami (sabay pihit ni Ogie ng closed sa pinto ng shop).”
Nagtatalon sa tuwa si Ogie kasi nagawa niya ang dare consequence ni Aiko at hindi siya magbabayad ng P10,000.
Siyempre hindi naman nagpatalo si Ogie kaya ang tanong niya sa aktres, “Aiko kung hindi mo pa nakikilala si Governor Jay (Khonghun, boyfriend nito) at may babalikan kang isa sa ex-husband mo, sino? Hypothetical question lang ‘to. Si Jomari (Yllana) o si Martin (Jickain)?”
Nalaglag ang kaliwang braso ni Aiko habang nakapangalung-baba sa tanong ng kumpare at kumunot ang noo, “Puwedeng hindi ko sagutin, mother? Magdi-dare na lang ako?”
“Ang baduy naman nito, bakit ayaw mong sagutin?” tanong ni Ogie sa kumare niya.
“Ayokong makasakit kasi pareho silang tatay ng mga anak ko, so ayokong masaktan ang mga anak ko,” katwiran ni Aiko.
Pinili ni Aiko ang dare kaysa magbigay ng P10,000 kay Ogie. Mas matindi ang naisip ng komedyante dahil nasa harap nila ang isang gasolinahan ay inutusan niyang pumunta si Aiko at kausapin ang gasoline boy/girl na siya ang magkarga ng gasolina sa mga customer.
Naloka ang aktres sa dare ng kaibigan, “Papayag ba mga ‘yan? Wala akong alam sa ganyan.”
“Mas ma-offend ka kung hindi sila papayag dahil Aiko Melendez ka!” dare ni Ogie.
Walang nagawa ang aktres kundi gawin ang ipinagagawa sa kanya at ayaw din niyang magbayad ng 10k. Pero hindi successful sa pagkarga ng gasoline si Aiko dahil lahat pala ay nakargahan na.
Mabuti na lang at may taxi driver na magkakarga ng hangin na pinakiusapan ng aktres na siya na lang. Hindi nito alam gawin kaya tinuruan siya ng driver at ng gasoline boy.
“Hindi ba ito sasabog?” tanong nito habang hawak ang pangbomba ng hangin.
At nang nabombahan na ang isang gulong, “O, okay na. Puwede na? Isa lang naman usapan,” sabi nito kay Ogie.
“Apat ang gulong niyan, gusto mo bang bumiyahe na hindi balanse ang andar mo?” katwiran ni Ogie.
At in fairness natapos ng aktres ang ipinagawa sa kanya, “I made it!”
Pasimple ring inabutan ng aktres si manong driver ng pang-New Year, “Salamat kuya.”
“Bakit mo siya binigyan?” tanong ni Ogie.
“Alam ko kung gaano kahirap at saka ‘yung buhay niya naka-risk kaya nagbibigay-pugay tayo sa katulad ni manong na taxi driver dahil inaalay niya ang kanyang buhay at pag-aalaga sa kotseng minamaneho niya, salamat kuya,” saad ni Aiko.
Nagpasalamat din nang husto si manong driver dahil malaking tulong na rin ang inabot ni Aiko sa kanya.
At habang pabalik na ang dalawa sa Coffee Project ang sambit ni Ogie, “Ano ba ‘yan nagawa ni Aiko, ayaw niya talagang magbigay sa akin ng ten thousand.”