HINDI inaasahan ng komedyanang si Giselle Sanchez na darating ang araw na sasabak din siya sa isang beauty pageant.
Ang inakala niyang biro ng kaibigang aktres at beauty queen ding si Patricia Javier na imbitasyon sa pagsali niya sa Noble Queen of the Universe pageant ay totohanan na pala.
Nauna nang nasungkit ni Javier ang korona sa unang edisyon ng patimpalak na dinaos sa Pilipinas noong isang taon.
Ngunit nang ilatag ni Javier ang mga mithiin ng patimpalak kay Sanchez, nakumbinsi ang comedienne-host na subukang makasungkit ng sarili niyang korona.
Bilang kinatawan ng rehiyon ng Visayas sa Pilipinas, napanalunan ni Giselle ang titulong Noble Queen International makaraan ang isang virtual pageant.
Ibinahagi ni Sanchez na bago pa man siya maging isang beauty queen, hangad na niyang matulungan ang mga hikahos na kababayan na makabangon sa pamamagitan ng paghahandog ng mga pagkakataong kumita ng sariling pera.
“Instead of giving them fish, teach them how to fish,” pahayag ni Sanchez, nagtapos ng magna cum laude sa University of the Philippines Diliman.
Ilang dekada na rin siyang nagtuturo ng “pangingisda” sa mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa, nagbubukas ng “livelihood opportunities” para sa mga Pilipinong napagkaitan ng kakayahan at pagkakataong tumayo sa sarili nilang mga paa.
“I will pursue my advocacy in helping the poor and homeless through venture philanthropy. I will also dedicate my energies in empowering women all over the world,” pangako ni Sanchez.
“I will be blessing a newly-constructed home for a homeless family courtesy of the Noble Queen franchise. I am so blessed that I have found this sisterhood who has fully supported my advocacy to help the homeless and provide food, shelter, and sustainable livelihood for them,” dagdag pa niya.
Samantala, isinalin ni Javier ang korona niya bilang Noble Queen of the Universe kay Megan Camaisa mula sa Southern California sa Estados Unidos.
Aktibo si Camaisa sa mga proyektong nagsusulong sa kapakanan ng mga Filipino-American sa California, at nakikibahagi rin sa mga programang naglalayong maibsan ang kalagayan ng mga maralitang Pilipino sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Isang Pilipino ang asawa ni Camaisa.
Kinoronahan namang Noble Queen Globe si Aditi Ahuja ng India, Noble Queen Earth naman si Rhonda Swan ng Estados Unidos, habang Noble Queen Tourism si Janeen Streetman ng West Coast-USA.
Dalawang Pilipina naman ang naging mga runner-up—sina Anna Perez ng Pampanga, at Coo Pulido Catalan ng Antipolo City.