“KAPAG hindi ka na napapakinabangan iiwan ka, ang sakit nu’n.”
Siguradong maraming naka-relate sa hugot na ito ni Vice Ganda patungkol sa mga taong bigla na lang mang-iiwan sa ere kapag wala na silang napapala sa yo.
Sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” napa-throwback ang TV host-comedian noong panahong halos ilampaso sila sa ratings game ng katapat nilang noontime show, ang “Eat Bulaga”
Ito yung panahon ng kasagsagan ng kasikatan ng tambalang AlDub nina Maine Mendoza at Alden Richards sa Kalyeserye ng “Eat Bulaga.” Ayon kay Vice, talagang inisip na niyang katapusan na noon ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN.
Ayon kay Vice, hinihintay na lang daw niya that time na tawagin siya ng mga bossing ng management para sabihing tatapusin na ang kanilang programa dahil nga talung-talo na sila sa laban.
“Hindi ko talaga keri ‘yon. Hindi ko alam kung paano ko yun idi-deal with. Kasi nangyari na ito sa amin dati, e.
“Ako talaga, hinanda ko talaga yung sarili ko na, feeling ko talaga, tatanggalin kami nu’ng panahon ng AlDub. Prangkahan na,” ang diretsahang pahayag ni Vice.
“Panahon ng AlDub, feeling ko wala nang nanonood ng Showtime. Parang buong Pilipinas, nakatutok sa AlDub.
“’Tapos ang laking kasalanan kapag fan ka ng Showtime. Ang laking kasalanan pag nanonood ka ng Showtime. Parang nag-aaway-away ang mga tao sa social media.
“Parang hindi ka dapat nanonood ng Showtime. Dapat lahat tayo nakatutok lang sa AlDub, yung ganu’n. Tapos ang baba-baba na ng ratings ng Showtime,” pag-amin pa ng TV host.
Patuloy pa niya, “Tapos ako, laban na laban pa rin ako. Pero dumating ako sa punto na habang lumalaban ako, tinanggap ko na, feeling ko, anytime soon, tatawagan ako ng management at sasabihan ako na, ‘We are cancelling the show.’ Tanggap ko ‘yon.
“‘Tapos hindi nangyari. Hindi ginawa ng ABS-CBN. Hindi ako nilaglag. Hindi nilaglag yung show. Kaya sabi ko talaga, yun ang pinanghahawakan ko, e.
“Magkamatayan na. Hindi ko iiwanan ang ABS-CBN ngayon. Kasi nu’ng nangyari ito sa buhay ko, hindi kami iniwanan ng ABS, e.
“Lahat kami, lahat kaming hosts, lahat kaming show, isama na natin yung direktor namin, hindi ‘yan iniwanan ng ABS nung mukha na kaming kawawa at halos patay na kami.
“Kaya ngayon na nangyayari ito sa ABS, hindi rin kita iiwan. Katulad ng hindi mo pang-iiwan sa akin noon,” tuluy-tuloy na sabi ni Vice na ang tinutukoy nga ay ang pagpapasara ng Kongreso sa ABS-CBN.
Pahabol pang hugot ng komedyante, “Yung taong papayag na, ‘Sige, sasamahan pa rin kita kahit wala na akong nahihita sa ‘yo.’ Ang sarap noon. Kapag ‘di na napapakinabangan iiwan ka, ang sakit nu’n.”
“At ang bait-bait talaga ng Diyos dahil pinakinggan niya ang mga dasal natin,” aniya pa.