SIGURADO si Luis Manzano na magpapabakuna siya kontra COVID-19 kapag dumating na ang mga vaccine na in-order ng pamahalaan at mga pribadong sektor.
Naniniwala ang TV host-comedian na magiging effective ang bakuna para hindi mahawa ng killer virus na nananatili pa ring banta sa kalusugan at buhay ng sambayabang Filipino.
Pero ayon sa fiancé ni Jessy Mendiola, bago siya magpapaturok ng bakuna, nais niyang kumonsulta muna sa pinagkakatiwalaan niyang doktor.
Sinagot ni Luis ang isang netizen na nagtanong kung handa ba siyang magpaturok ng COVID-19 vaccine matapos maging hot topic ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pwedeng maging choosy ang Filipino sa brand ng bakuna na gagamitin sa mass vaccination.
“Ako naniniwala ako sa mga bakuna. Naniniwala ako sa, kumbaga, bakunado din ako,” pahayag ni Luis sa kanyang Facebook Live kahapon.
Ngunit aniya, “Pero ang sa akin, papakinggan ko kung ano ang sasabihin ng doktor ko kung anong brand ang pinakamaganda.
“Siyempre, ako mismo dahil hindi ko naman napag-aralan ‘yan, di ko naman alam, kumbaga, ang mga detalye ng isang vaccine.
“Basta sa akin, ang pakikinggan ko kung anong sasabihin ng doktor ko kaya naniniwala ako sa mga vaccine,” dagdag pa ng binata.
Bukod sa pagre-research, nagtatanong na rin si Luis sa mga medical expert tungkol sa mga vaccine na ide-deliver sa Pilipinas, “Hinihintay ko siyempre kung ano ang sasabihin nila.
“Dahil madali namang magbasa, pero pagdating sa mga detalye ng vaccine, e, papakinggan ko yung napag-aralan nila nang sobra-sobra.
“Basta ako, whether it be Pfizer, Moderna or Sinovac, basta basically all brands, pinapakinggan ko kung ano ang sasabihin ng doktor ko kung anong pinaka-okay para sa amin,” paliwanag pa ng Kapamilya TV host.
Ang isa pang celebrity na naniniwala sa bakuna kontra COVID ay ang veteran TV host at comedian na si Joey de Leon. Aniya, basta raw aprubado na ng FDA, wala nang dapat ikatakot ang publiko.
“Ang pinakamaayos na pagpapaliwanag tungkol sa bakuna para sa akin ay nagmumula kay Dr. Maria Rosario Vergeire.
TANDAAN: kahit anong brand pa ng bakuna yan basta inaprubahan ng FDA o Food & Drug Administration, equal footing o pare-pareho nang effective at safe yan!” tweet ni Joey.
Kung matatandaan, umalma ang karamihang Pinoy sa naging statement ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na dapat mamili ang mga Pinoy pagdating sa brand ng vaccine dahil pare-pareho naman daw epektibo ang mga ito.
Isa sa mga bumanat sa kanya ay si Vice Ganda na nagsabing, “Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya.
Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!”