Namana ni Daniel kay Rommel ang pagiging makaina…at sobrang generous

KUNG may namana ang tinaguriang King of Hearts na si Daniel Padilla sa kanyang amang si Rommel Padilla, yan ay ang pagiging gentleman at super generous.

Mismong ang nanay ni DJ na si Karla Estrada ang nagsabi na maraming good qualities ang character actor na nakuha ni Daniel na hanggang ngayon ay bitbit ng binata kahit na nga super sikat na ito.

Chika ng TV host-actress, bukod sa pagiging maunawain at mapagmahal sa ina, namana rin ng boyfriend ni Kathryn Bernardo ang kay Rommel ang pagiging gentleman at marespeto sa mga kababaihan na talaga namang tatak na ng mga Padilla.

“Kita naman natin na talagang mapagbigay, understanding at saka makaina. ‘Yun talaga ang nakuha,” pahayag ni Karla sa isang episode ng morning talkshow nila nina Melai Cantiveros at Jolina Magdangal na “Magandang Buhay.”

“Nakita naman natin ang pagmamahal nina Robin at Rommel sa ina nila. Actually si DJ, ganu’n din. But lahat naman ng anak ko,” sey pa ni Karla sabay bati sa lola ni Daniel na si Eva Cariño.

Patuloy pa ni Karla, “At saka ‘yung pagiging gentleman, oo. ‘Yun talaga. At pagiging generous din. Dahil ‘yan si Omeng (palayaw ni Rommel), sa kanya rin ako nag-umpisa at nakita ko rin na mapagbigay talaga siyang tao.”

Alam naman ng lahat na mula nang bata si Daniel ay si Karla na ang tumayong ina at ama ng aktor kaya masasabing maganda ang pagpapalaki ng TV host sa anak kahit wala ang tatay nito.

Ngunit sa kabila nito, laging sinasabi ni Daniel na hindi siya kailanman nagalit kay Rommel dahil kahit hindi raw sila nagkikita ay palagi naman silang nagkakausap.

“Physically wala siya pero nandiyan siya, tatawagan niya ako, kakamustahin niya ako. And gets ko na kasi dati pa lang in-explain na ni Mama sa akin kung ano ang sitwasyon.

“At alam ko kung bakit siya wala and hindi siya naging big deal sa akin. Kaya nga minsan ang hirap, lalo na kapag artista ka, ang hirap ng mga eksenang may galit sa erpat, ako wala akong galit sa erpat ko,” paliwanag ni DJ sa isang panayam.

Sabi naman ni Karla sa isang episode ng “Magandang Buhay” napanatili niya ang magandang relasyon sa tatay ni Daniel at sa pamilya nito sa loob ng mahabang panahon.

“Alam mo sa experience ko, sobrang bait at kabutihan ang ipinakita sa akin kaya hindi ko kayang bitiwan ang pamilya ng mga ex ko. Talagang inalagaan nila ako nung kami pa ang pamilya,” lahad ni Karla na super happy na ngayon sa bago niyang karelasyong si Jam Ignacio.

Read more...