Ang pop superstar na si Lady Gaga ang kakanta ng pambansang awit ng America sa panunumpa ni Joe Biden bilang presidente sa darating na Enero 20 habang si Jennifer Lopez ay magtatangghal din.
Inanunsyo nitong Huwebes na ang dalawang higante ng musika ay babandera sa inagurasyon na ang seguridad ay matinding pinaghahandaan sa harap ng bantang pag-atake ng mga extremist na tagasuporta ni President Donald Trump.
Hinihimok ng mga awtoridad ang mga tao na huwag na lamang pumunta sa lugar ng US Capitol Building na naging sentro ng marahas na pag-atake noong nakaraang linggo ng mga maka-Trump na gustong pigilan ang deklarasyon ng Kongreso sa pagkapanalo ni Biden sa eleksyon.
Sa halip na daang-libong tao ang makikita sa National Mall para sa pormal na proklamasyon ni Biden bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos, ang komite sa inagurasyon ay maglalagay ng “Field of Flags” na ayon sa kanila ay kakatawan sa mga mamamayan ng America na hindi makakapunta sa lugar.
Si Tom Hanks naman ang magiging host ng 90-minutong “Celebrating America” na palabas kung saan magtatangghal ang maraming sikat na musikero gaya nina Jon Bon Jovi, Justin Timberlake at Demi Lovato. Mapapanood ang mga ito sa malalaking network sa US.
Si Lady Gaga at Jennifer Lopez ay magtatanghal sa mismong araw ng inagurasyon.
Si Gaga ay puspusang sumuporta kay Biden at nagpakita pa ito sa kampanya ng President-Elect sa Pittsburgh noong Nobyembre. Si Lopez naman ay abala sa mga relief effort niya kaugnay sa Covid-19 na isa sa magiging prayoridad ni Biden bilang pangulo.
Umaabot sa 20,000 sundalo ng National Guard ang inaasahang magbabantay sa Washington sa araw ng inagurasyon.